38,868 total views
Nananawagan ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at EcoWaste Coalition sa publiko na isaalang-alang ang kaligtasan ng mga alagang hayop at kalikasan sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa ginanap na Iwas Paputoxic event sa isang malaking mall sa Quezon City, binigyang-diin ng dalawang grupo ang negatibong epekto ng malakas na paputok sa mga tao, hayop, at kalikasan.
Ayon kay PAWS executive director Anna Cabrera, labis na pagpapahirap sa mga hayop tulad ng aso’t pusa ang maidudulot ng malalakas na ingay at nakasusulasok na usok mula sa paputok.
Maaari itong magdulot ng anxiety o pagkabalisa, disorientasyon, at kawalan ng ganang kumain, kung saan ang labis na kaawa-awa ay ang mga pagala-galang hayop na walang ligtas na lugar na mapupuntahan at matataguan.
“What is worse is if they accidentally eat remnants of the firecrackers as this will result in gastrointestinal problems – symptoms of which could be abdominal pain, blood diarrhea and vomiting,” ayon kay Cabrera.
Inihayag naman ni Ateneo School of Medicine and Public Health environmental health specialist Dr. Germinn Louis Apostol na magdudulot ng panganib sa kalusugan at kalikasan ang malilikhang usok at polusyon mula sa mga paputok.
Paliwanag ni Apostol na kapag nalantad sa mapanganib na usok, maaari itong magdulot ng asthma, bronchitis, pneumonia at sinusitis lalo na sa mga kabataan, matatanda, at mayroong pre-existing medical conditions.
“The air quality can reach hazardous levels due to the massive use of firecrackers and fireworks before and during the revelry… Among these pollutants are greenhouse gases, particularly carbon dioxide, carbon monoxide and nitrogen oxide, which contribute to global warming and climate change,” pahayag ni Apostol.
Samantala, hinikayat naman ni EcoWaste national coordinator Aileen Lucero ang mamamayan na ilaan na lamang ang salapi sa ihahandang pagkain sa pagdiriwang ng Bagong Taon sa halip na ipambili ng mapanganib na mga paputok.
“Cats and dogs, humans and the ecosystems would be better off without injurious and polluting firecrackers and fireworks. We therefore encourage everyone to think twice before spending hard-earned money for toxic firecrackers and fireworks, which are better used for essential needs like food on the table. Pera para sa paputok ay sa pagkain na lang itutok,” giit ni Lucero.
Patuloy na hinihimok ng simbahan ang lahat na baguhin ang mga nakasanayang nakakapinsala sa kalikasan upang higit na maisulong ang payak na pamumuhay na nagpapakita ng pagiging mabubuting katiwala ng sangnilikha.