101,861 total views
Maligayang Pasko, mga Kapanalig!
Sumapit na nga ang pinakamasayang pagdiriwang para sa ating mga Katoliko. Sa araw na ito, ipinanganak si Hesus na ating Tagapagligtas. Sa kanyang pakikipag-usap sa mga bata dalawang Biyernes na ang nakaraan, sinabi ni Pope Francis, “Christmas is a reminder that God loves us and wants to be with us.” Paalala ang Pasko na mahal tayo ng Diyos at nais Niyang makapiling tayo. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, pinili ng Diyos na samahan ang sangkatauhan at manatili sa ating piling.
At ang payak Niyang pagdating sa mundo ay isang paalala rin ng pagkiling ng Panginoon sa mga dukha at maliliit. Isinilang Siya—hindi sa isang palasyo o mansyon—kundi sa isang karaniwang lugar na pinaglalagian ng mga pastol, sa isang hamak na sabsaban “sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan,” mababasa nga natin sa Lucas 2:7. Itinaboy si Hesus ni Herodes, ngunit tinanggap naman siya ng mga ordinaryong pastol ng Bethlehem. Ipinanganak Siya sa piling ng mga aba, ng mga walang kapangyarihan, at ng mga maliliit sa lipunan.
Ang pagtanggap na ito ng mga pastol sa sanggol na si Hesus ay maituturing na inspirasyon para sa ating mga Katolikong buksan ang ating mga puso sa ating kapwa, lalo na sa mahihirap at mga nangangailangan. Kaya naman, ang diwa ng Pasko ay hindi lamang tungkol sa pagsasama-sama ng mga pamilya kundi sa pagiging kapatid natin sa iba. Panahon din ito ng pagbabahagi sa iba, kahit pa sa mga hindi natin kakilala, ng ating mga natanggap na biyaya.
Ngunit umapela ang Department of Social Welfare and Development (o DSWD) sa publiko na huwag magbigay ng limos sa mga nasa lansangan ngayong Kapaskuhan. Kung gusto raw nating tumulong, huwag daw gawin sa lansangan dahil delikado sa mga nangangailangan. Idaan na lang daw sa mga satellite offices ng DSWD ang ating donasyon at sila na ang bahalang ipaabot ang mga ito sa mga pamilyang walang matirahan o nag-iikot upang mamalimos. Gawin daw natin sa mas “organisadong pamamaraan” ang ating kagandahang-loob.
Sa isang banda, talaga namang delikado para sa mga kababayan nating namamalimos ang mag-ikut-ikot o manatili sa lansangan. Maaari silang masagasaan ng mga sasakyan o kaya naman ay pagsamantalahan ng masasamang-loob.
Sa kabilang banda, hindi sila mapapadpad sa lansangan kung nakararating nga sa kanila ang tulong na dapat na naipaaabot sa kanila ng gobyerno gamit ang buwis na ating iniaambag. Kung may kabuhayan ang mga kapatid natin sa mga liblib na lugar, hindi na sila mangangahas bumaba sa mga lungsod upang humingi ng kahit kaunting barya. Kung may nakakain sila sa kanilang pinanggalingan, hindi na sila mamamalimos. Kung may maayos silang tirahan, hindi nila pipiliing tiisin ang lamig sa kalsada. Kung nabigyan sila ng maayos na edukasyon, hindi sila mapipilitang umasa sa awa ng iba. Tiyak na hindi gugustuhin ng mga tatay, nanay, lolo, lola, at mga bata ang mamalagi sa kalsada kung may choice lamang sila. Ang katotohanan para sa marami sa kanila, wala silang choice.
Mga Kapanalig, nakalulungkot na ang pag-aabot ng tulong, kahit kakaunti lang, ay nakikitang pangungunsinti sa gawaing itinuturing na mali—o hindi “organisado”—ng mga may komportableng pamumuhay, ng mga sagana sa pribilehiyo, at ng mga may sinasabi sa buhay. Samantala, tayo namang mga ordinaryong mamamayan, lalo na ang mga Katoliko, ay inaanyayahang huwag lamang manatili sa pagbibigay ng limos. Ang laging hamon sa atin: ibigin si Hesus, ang Mesias, sa pamamagitan ng pag-ibig sa mahihirap. Hindi lamang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ngayong Pasko. Gawin natin ito sa pamamagitan ng pagkalampag sa mga may kakayahan at may malaking tungkuling iahon ang mahihirap—kasama na rito ang gobyerno at maging ang ating Simbahan mismo.
Sumainyo ang katotohanan!