23,827 total views
Sa harap ng patuloy na pagbabago ng klima at pag-unlad ng teknolohiya, napapanahon ang pagbibigay prayoridad sa mga proyektong naglalayong mapanatili at mapayabong pa ang kalikasan ng Pilipinas. Ang pagtutok sa mga investments para sa isang luntiang Pilipinas ay mahalaga. Isa itong hamon na dapat nating harapin at responsibilidad na dapat nating sikaping tuparin. Hindi lamang ganda ng kapaligiran ang nakataya dito. Ang buhay at kinabukasan natin ay nakasalalay dito.
Una sa lahat, mahalaga ang pagtutok sa malinis at renewable na enerhiya. Ang pagsusulong ng wind, solar, at iba pang natural na mapagkukunan ng enerhiya ay makakatulong hindi lamang sa pagbabawas ng polusyon kundi pati na rin sa pag-iwas sa pagkasira ng kalikasan.
Bukod dito, dapat ding magkaroon ng investments para sa sustainable agriculture. Ang pagsuporta sa mga magsasaka na gumagamit ng organic fertilizers at pesticides at nagbabawas sa paggamit ng mga kemikal ay makakatulong sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapabuti ng kalidad ng lupa.
Isa pang aspeto na dapat pagtuunan natin ay ang waste management at recycling. Magandang maisulong natin ang mga proyektong naglalayong bawasan ang dami ng basura sa ating mga tahanan at sa mga landfills. Mainam din na magbigay tayo ng insentibo para sa recycling, para mas maraming magpraktis nito.
Ang mga ganitong hakbang ay nagbibigay proteksyon sa kalikasan. Kaya lamang, sa ating bayan, parang ang hirap gawin nito. Sa mga komunidad natin, hindi sustainable ang mga proyekto para sa mga recycling at upcycling. Kaunti lamang ang gumagawa nito.
Ayon nga sa isang pagsusuri ng World Bank, 28% lamang ng mga plastic ang narecycle ng bansa noong 2019. Mga $890 million ang nawawala sa bayan dahil dito. Tapon lang tayo ng tapon, at hindi inaalintana ang perwisyo sa kasalukuyan, at sa ating kinabukasan.
Ibayong pagtutulungan, kapanalig, ang kailangan nating gawin. Kung hindi kaya ng pamahalaan pangunahan ito, kumilos naman tayong mga nasa pribadong sektor. Karaniwan pa nga, sa atin nanggagaling ang problema. Ang mga packaging ng mga produktong ating nilalagay sa merkado ay nagdadagdag pa ng kalat sa mundo. Mainam sana na isa ito sa mga una nating baguhin at bigyan ng puhunan.
Para sa ating luntiang kinabukasan, kailangan tiyakin na hindi lamang ekonomiya natin ang umaasenso kundi pati na rin ang kalagayan ng kalikasan. Ang investments para sa isang luntiang Pilipinas ay hindi lamang puhunan para sa kabutihan natin ngayon. Pamana natin ito sa susunod na henerasyon. Tanong nga sa atin ni Pope Francis sa Laudato Si: What kind of world do we want to leave to those who come after us, to children who are now growing up?
Sumainyo ang Katotohanan.