98,353 total views
Mga Kapanalig, kamangha-mangha talaga ang talinong ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Mababasa nga natin sa Exodo 35:31 na tayo ay “pinuspos ng Espiritu ng Diyos at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan…”
Nitong nakaraang taon, nakita natin ang pagbulusok ng tinatawag na artificial intelligence o AI. Matagal na natin itong naririnig, pero habang tumatagal ang panahon, naging mas sophisticated, ‘ika nga sa Ingles, ang teknolohiyang ito. Ang ating Simbahan, gaya ng sinabi ni Pope Francis sa kanyang mensahe para sa World Day of Peace na ipinagdiriwang natin sa araw na ito, ay kinikilala ang malalim na pagbabagong dala ng AI. Ginagamit ang AI sa komunikasyon, pamamahala, edukasyon, at maging sa ating interaksyon sa isa’t isa. Hindi man natin namamalayan, naging bahagi tayo sa paglago ng AI sa tuwing gumagamit tayo ng internet sa ating mga gadgets.
Sa mga datos at impormasyon tungkol sa atin nakasalalay ang AI gamit ang tinatawag na algorithms. Halimbawa, sa tuwing mag-i-scroll kayo sa Facebook, hindi ba kayo nagtataka kung bakit may mga recommended posts sa inyo na para bang katulad ng mga madalas ninyong basahin o panoorin? Kapag bumibili kayo sa mga online shopping apps, napansin ba ninyong may mga patalastas o ads na katulad ng mga hinahanap natin? Ilan lamang ang mga ito sa mga produkto ng AI. Nakikilala na tayo ng mga makina.
Kaya na rin ng AI na mag-research at magsulat nang detalyado. Pwede mo na itong utusang gumawa ng sulat sa email o lumikha ng picture batay sa ididikta natin. May mga estudyante na ring ginagamit ito para sagutan ang kanilang mga assignment sa eskuwela. Nagiging mas madali na nga ang mga bagay-bagay dahil sa AI.
Ngunit gaya ng anumang likha ng tao, may mga limitasyon pa rin ang AI. Nakadepende pa rin ito sa mga taong nagpapatakbo ng mga makina at sa impormasyong ipinapasok sa mga ito. Kaya naman, katulad ng ibinababala ni Pope Francis, maaaring gamitin—at ginagamit na nga—ang AI sa tinatawag na disinformation o pagpapakalat ng fake news. Ang mga mali at mapanlinlang na mga impormasyong ito ay nagiging instrumento ng panloloko o sa pagmamanman o surveillance sa mga tao. Nawawala na ang privacy at nagiging mas makasarili na ang mga tao. Lahat ng ito ay parang panggatong na magniningas sa hindi pagkakasundo ng mga tao, na hahantong naman sa kawalan ng kapayapaan.
May isa pang dapat bantayan sa AI. Sa kanyang pagdalo noong Nobyembre sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Amerika, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na handa na ang Pilipinas sa AI. Gusto niyang akitin ang mga negosyante roon na mamuhunan sa Pilipinas at gamitin ang AI upang palaguin pa ang mga talento at kakayahan ng ating mga manggagawa. Naniniwala ang presidenteng kaya ng AI na iangat ang buhay ng mga Pilipino. Kaya nga ba? Ano kaya ang garantiyang hindi papalitan ng AI ang mga tao sa paggawa ng mga trabaho? Sa mga pabrika, marami nang prosesong dating hinahawakan ng mga tao ang ginagawa na ng mga makina. Sa pagpasok ng AI, pinangangambahang mas marami pang trabaho ang ipagkakatiwala sa mga computer. Isa rin ito sa mga ipinapaalala ni Pope Francis tungkol sa AI. At kapag bigo ang gobyernong proteksyunan ang kapakanan ng mga manggagawa, malalagay sa alanganin ang kapayapaang ayon nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan ay bunga ng katarungan.
Mga Kapanalig, ngayong bagong taon, mas maging matimbang sana ang pakinabang natin sa AI. Bantayan din sana ng mga pamahalaan at ng mga institusyon natin ang teknolohiyang ito upang hindi ito magamit sa maling paraan at sa kawalan ng kapayapaan. Tayo namang mga gumagamit ng teknolohiya ay maging responsable at maingat.
Sumainyo ang katotohanan.