126,794 total views
Ang panahon ng kapaskuhan, kapanalig, ay isa sa mga panahong mas dama ng marami ang kahirapan ng buhay. Sa panahong ito, mas nagiging litaw o obvious ang inequality o hindi pagkapantay-pantay sa ating lipunan.
Sa Pilipinas, isang malalim na suliranin ang patuloy na pag-usbong ng hindi pantay-pantay na kalagayan sa lipunan. Habang ang ilan ay nabubuhay ng marangya at masagana, mayroong mga sektor na patuloy na naaapi at naghihirap. Dapat maging layunin natin kapanalig, ang pagkakaroon ng makatarungang lipunan. Malabong mangyari ito sa ngayon dahil mataas pa rin ang antas ng inequality sa ating bansa. Ayon nga sa isang pag-aaral, ang Pilipinas ang may pinaka-mataas na GINI coefficient sa anim na pinakamalaking ekonomiya sa ASEAN. 41.58% ang GINI coefficient sa Pilipinas habang sa Malaysia ay 39.37%, sa Indonesia ay 38.33%, at ang Vietnam, nasa 35.58%. Ang GINI coefficient ay sukat ng income inequality.
Isa sa mga pangunahing sanhi ng hindi pantay-pantay na kalagayan sa Pilipinas ay ang limitadong access sa edukasyon. Ang kahirapan ay nagiging sagabal sa pag-aaral at pag-unlad ng mga kabataan. Upang labanan ito, kinakailangan ng mas malawakang programa sa edukasyon at mga scholarship na naglalayong bigyan ng oportunidad ang mga kabataan na makamit ang kanilang pangarap.
Ang hindi patas na access sa kalusugan at serbisyong medikal ay isa pang aspeto na nagiging sanhi ng hindi pantay-pantay na kalagayan ng mga Pilipino. Ang mga maralita ay mas nahihirapan makakuha ng sapat at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Sa pagpapalawak ng universal health care at iba pang programa para sa kalusugan, mas mapaglilingkuran ang pangangailangan ng mas nakararami. Dahil sa kakulangan sa access sa health insurance, mas malaki ang out of pocket payments ng maralita para sa health care, habang mas maliit ang kita nila.
Ang hindi patas na distribusyon ng yaman ay isa ring sanhi ng hindi pantay-pantay na kalagayan ng mga Pilipino. Ang malaking agwat sa kita at pagmamay-ari ng yaman ay naglilikha ng mas malalim na kaguluhan sa lipunan. Para mabawasan ang pagkakapantay-pantay, kinakailangan ng mga polisiya na nagtataguyod ng mas makatarungan na distribusyon ng yaman. Halimbawa nito ay ang pay gap sa pagitan ng babae at lalaki. Kasama din dito ang maliit na sweldo ng trabahante, habang malaki ang mark-up sa mga produkto ng mga negosyante.
Sa larangan ng trabaho, ang kawalan ng job security at mababang pasahod para sa ilang sektor ay naglilikha ng agwat sa kita. Ang pagsusulong ng regularisasyon sa trabaho at pagtataas ng minimum na sahod ay mahalaga upang mabawasan ang agwat sa kita at mapanatili ang dignidad ng bawat manggagawa. Isa pang ehemplo ng kawalan ng job security ay ang kalagayan ng mga jeepney drivers natin ngayon. Malapit na ang deadline ng jeepney modernization. Anong kinabukasan ang naghihintay sa kanila?
Kung nais natin ng tunay na kaunlaran, kailangan natin isulong ang pagkakapantay pantay sa lipunan. Ayon nga sa Gaudium et Spes: While there are just differences between people, their equal dignity as persons demands that we strive for fairer and more humane conditions. Excessive economic and social disparity between individuals and peoples of the one human race is a source of scandal and militates against social justice, equity, human dignity, as well as social and international peace.
Sumainyo ang Katotohanan.