106,442 total views
Mga Kapanalig, batay sa General Appropriations Act of 2024, nasa 1.4 bilyong piso ang inilaang badyet para sa mga biyahe ng pangulo sa taóng ito. Halos doble ito ng badyet noong 2023 na nasa 893 milyong piso. Sa unang anim na buwan ng termino ni Pangulong BBM, marami nang pumupuna sa madalas niyang pagbibiyahe, lalo na abroad. Pero laging sinasabi ng administrasyong mabunga naman daw ang mga biyahe ng pangulo. Makikita raw ito sa mga pangakong investments ng mga binibisitang bansa at mga trabahong lilikhain daw ng mga ito.
Labing-siyam na ang mga foreign trips ng pangulo mula nang maupo siya sa puwesto. Pito sa mga biyaheng ito ay noong 2022 at labindalawa naman noong 2023. Parang buwan-buwan siyang lumalabas ng bansa.
Paliwanag ni Pangulong Marcos, kailangan ang mga biyaheng ito upang ipakilala ang ating bansa sa buong mundo. Aniya, mahalagang makabuo ng personal na koneksyon sa iba’t ibang lider ng mga bansa. Dagdag naman ni Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil, mahalagang oportunidad ang foreign trips upang lumikha ng investments na makatutulong sa ating pagbagon sa COVID-19 pandemic. Para naman kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang mga gastusing ito, hangga’t may benepisyo at pakinabang na nadadala sa bansa, ay justified o mapangangatwiranan.
Noong isang linggo, naglabas ng maraming impormasyon ang administrasyong Marcos upang bigyang-katwiran ang mga nasabing biyahe. Nariyang nakakalap naman daw ang gobyerno ng pledges na nagkakahalaga ng tinatayang apat na trilyong piso. Sa halagang ito, halos 1.6 trilyong piso ang makikita sa mga pinirmahang memoranda of understanding at letters of intent. Ang pledges na nagkakahalaga ng 1.5 trilyong piso naman ay kumpirmado na at nasa planning stage na. Ang natitira sa halagang ito ay napagkasunduang ilalagak sa iba’t ibang proyekto. Ayon sa Department of Trade and Industry, karamihan sa investment pledges na ito ay nasa manufacturing, information technology at business process management, renewable energy, data center, at telecommunications. Lilikha daw ang mga ito ng dalawandaang libong trabaho. Sana nga.
Bagamat totoong mahalaga ang mga foreign trips ng pangulo, dapat siguruhing taumbayan nga ang nakikinabang sa mga ito. Sa huli, kaban ng bayang mula sa dugo’t pawis ng taumbayan ang ginagastos sa mga biyaheng ito. Mahalagang manatiling kritikal at patuloy na nagtatanong ang taumbayan. Kailangan nga ba ang mga biyaheng ito o may mga biyaheng maaaring ipagpaliban upang magamit ang badyet sa mga proyektong direktang makikinabang ang taumbayan? Sinu-sino ang mga kailangan isama sa mga biyahe? Paanong mabilis at kongkretong mararamdaman ng mga Pilipino, lalo na ng mahihirap, ang bunga ng mga investment pledges na ito?
Kung hindi naman talaga makikinabang ang mga ordinaryong Pilipino sa mga pledges na ito—o kung ang mga negosyante at pulitiko lamang ang kikita sa mga ito—maituturing na porma ng katiwalian ang paggamit ng pondo ng bayan para sa napakaraming biyaheng ng pangulo at mga opisyal niya. Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang katiwalian ay isa sa mga pinakaseryosong depekto sa isang demokrasya. Sinisira nito ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Kapag nakokompormiso ang ugnayan ng estado at ng mga mamamayan, nawawalan ang huli ng ganang makilahok sa pamamahala, na obligasyon naman nating lahat.
Mga Kapanalig, gaya ng paalala sa Hosea 9:9, “aalalahanin [ng Diyos] ang kanilang kasamaan, [at] dadalawin ang kanilang mga kasalanan.” Hindi bulag ang Diyos sa mga pang-aabuso, lalo na ng mga taong binigyan ng malaking responsabilidad, katulad ng ating mga lider. Kaya naman, patuloy nating bantayan ang mga ginagawa ng mga nasa gobyerno, lalo na kapag sinasabi nilang tayo naman ang makikinabang sa mga ito. Tandaan natin, pera natin ang nagpopondo sa mga biyahe ng pangulo. Tayo ang pinagmumulan ng kapangyarihan ng pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.