74,972 total views
Hinikayat ni Apostolic Vicariate of Bontoc-Lagawe ang mga mananampalataya na manalangin at mag-ayuno para sa biyaya ng pagkakaroon ng obispong mangangasiwa sa mga diyosesis.
Ito ang paanyaya ng obispo, lalo na sa mga lugar na walang obispo o sede vacante.
“More Bishops will be retiring in a few years. Those in the Dioceses without a Bishop, start fasting and praying.” ayon sa mensahe ni Bishop Dimoc.
Hinimok naman ni Bishop Dimoc ang mga nakatanggap ng sulat mula sa Apostolic Nuncio to the Philippines na kilalanin at tanggapin ang biyayang maging pinunong pastol.
“The Local Churches are the formation places for future Bishops. Hence, those who receive letters from the NUNCIO should participate well in discerning who are potential shepherd as Bishops.”
Si Bishop Dimoc ay ang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous People.
Sa kasalukuyan ay siyam na diyosesis sa bansa ang sede vacante-ito ay ang mga diyosesis ng Alaminos, Baguio, San Pablo, Balanga, Gumaca, Ipil, Tarlac, at Catarman kabilang na ang Diocese ng Pagadian dahil sa biglaang pagpanaw ni Bishop Ronald Lunas.
Inaasahan ding sa mga susunod na taon ay ilang obispo pa sa bansa ang magreretiro sa pagtuntong sa mandatory retirement age na 75 taon.
Sa tala ng Radyo Veritas Catholink, dalawang obispo sa Pilipinas ang magdiriwang ng ika-75 taon ngayong 2024. Ito ay sina Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo (January) at Infanta Quezon Bishop Bernardino Cortez (July).
Bagama’t nasa 75-taon at higit pa, apat na obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang patuloy pa ring nangangasiwa sa kanilang diyosesis.
Ito ay sina Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona (77); Virac Bishop Manolo Delos Santos (76); Cubao Bishop Honesto Ongtioco (75) at Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud (75).
Sinasaad naman sa Canon 401 ng Code of Canon Law na kinakailangang magsumite ng liham-pagbibitiw ang mga obispo pagsapit ng edad na 75-taon, bagama’t ang Santo Papa pa rin ang magpapasya kung tatanggapin o hindi ang pagreretiro ng mga obispo.
Panalangin din ng obispo ang patnubay ng Banal na Espiritu na makapaghirang ng mga mapagkumbaba at masunuring pastol ng simbahan para mangalaga sa kawan ng mananampalataya.