35,729 total views
Hinimok ng EcoWaste Coalition ang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno na ipahayag ang pananampalataya sa pagpapakita ng paggalang sa inang kalikasan.
Ito ang panawagan ng environmental watchdog group sa ginanap na pagtitipon sa harapan ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene sa Quiapo, Maynila para sa nalalapit na kapistahan ng Poong Nazareno o Nazareno 2024 sa Martes, Enero 9.
Inihayag ni EcoWaste Zero Waste Campaigner Ochie Tolentino na isabuhay nawa ng mga deboto at mananampalataya ang mga katagang “Kalakip ng Debosyon ang Malinis na Traslacion”, sa pamamagitan ng pag-iwas sa paglikha ng kalat at basura ngayong Nazareno 2024.
“We appeal to all devotees as people of strong faith to join hands in solidarity to make this year’s Traslacion as litter-free as possible. Not leaving any garbage behind along the processional route from Rizal Park to Quiapo Church will mirror our understanding of our role and responsibility as stewards of God’s creation,” panawagan ni Tolentino.
Matapos ang tatlong taong pag-iral ng coronavirus pandemic ay muling ibabalik ang tradisyunal na prusisyon ng Poong Nazareno o traslacion mula Quirino Grandstand sa Rizal Park patungo sa Quiapo Church.
Pagbabahagi ni Tolentino na sa mga nakaraang Traslacion bago ang pandemya ay naitala ang malaking bilang ng mga nakokolektang basura tulad ng single use plastics, food containers, at mga upos ng sigarilyo.
Tema ng Nazareno 2024 ang “Ibig po naming makita si Hesus” na hango sa ebanghelyo ni San Juan.