23,640 total views
Inihayag na ng Archdiocese of Davao ang detalye ng paghahatid sa huling hantungan kay Davao Archbishop Emeritus Fernando Capalla.
Inihayag ni Davao Archbishop Romulo Valles na nakatakda ang paghahatid sa huling hantungan kay Archbishop Capalla sa ika-15 ng Enero, 2024 ganap na alas-dyes ng umaga matapos ang isasagawang Solemn Funeral Mass sa San Pedro Cathedral.
Makakatuwang ni Archbishop Valles sa isasagawang banal na misa para sa namayapang dating pastol ng arkidiyosesis ang iba pang mga lingkod ng Simbahan ng Archdiocese of Davao.
Ilalagak ang labi ni Archbishop Capalla sa Dormitium de San Pedro na matatagpuan sa ibaba ng cathedral.
Pumanaw ang 89 na taong gulang na arsobispo na mas nakilala bilang ‘Archbishop Nanding’ ganap na ala-una bente tres ng umaga ng Sabado, ika-6 ng Enero, 2024.
Ang 89 na taong gulang na si Archbishop Capalla ay isinilang sa Leon town, Iloilo province noong November 1, 1934 at naordinahang Pari noong March 18, 1961 sa ilalim ng Archdiocese of Jaro sa Iloilo.
Si Archbishop Capalla ang ikatlong arsobispo ng Archdiocese of Davao na naglingkod ng halos 18-taon bilang punong pastol ng arkidiyosesis bago nagretiro noong February 11, 2012.