17,855 total views
Patuloy ang panawagan ng EcoWaste Coalition upang isulong ang mahigpit na pagsunod sa ‘No smoking, No littering’ sa Quirino Grandstand sa Rizal Park kaugnay sa Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno o Nazareno 2024.
Ayon kay EcoWaste Zero Waste Campaigner Ochie Tolentino, patuloy ang pagdagsa ng mga deboto at mananampalataya sa Quirino Grandstand upang pumila sa tradisyonal na ‘Pahalik’ sa Poong Nazareno.
Sinabi ni Tolentino na kasabay ng pagpapahayag ng pananampalataya sa Poong Nazareno, ay ipakita rin nawa ng mga deboto ang paggalang sa kapaligiran sa pamamagitan ng pag-iwas sa paglikha ng mga basura at polusyon.
“As Black Nazarene devotees line up for the traditional ‘Pahalik’ at the Quirino Grandstand, we appeal to everyone to be considerate and refrain from smoking and littering in Metro Manila’s largest urban park. Keeping Rizal Park and the entire Traslacion smoke- and litter-free will be a huge challenge, but we remain hopeful that it can be achieved with the devotees leading the way.” apela ni Tolentino.
Inaasahang nasa humigit-kumulang dalawang milyong mananampalataya ang bibisita sa Quirino Grandstand lalo na sa Enero 9 upang makilahok sa vigil, programa, at Fiesta Mayor, na susundan ng Traslacion ng Poong Nazareno patungo sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church.
Magugunita sa huling Traslacion noong 2020 bago lumaganap ang coronavirus pandemic, naobserbahan ng EcoWaste Coalition ang mga basurahan sa paligid ng Rizal Park na puno ng magkakahalong mga basura tulad ng single-use plastic, food containers, at mga upos ng sigarilyo.
Iginiit naman ni Tolentino na hindi lamang sa Quirino Grandstand dapat panatilihin ang kalinisan, kundi maging sa Quiapo Church kung saan patuloy na isasagawa ang mga Banal na Misa para sa kapistahan.
Dagdag pa nito na ang pagpapanatili ng kalinisan ngayong Nazareno 2024 ay magiging makabuluhang ambag sa paggunita sa Zero Waste Month ngayong Enero.
“Traslacion (Nazareno) 2024 provides a good opportunity to show our solidarity with our nation’s efforts to prevent and reduce pollution, which is essential if we are to uphold the human right of every Filipino to a clean, healthy and sustainable environment.” saad ni Tolentino.
Noong nakaraang Sabado, Enero 6 ay nagkaroon ng pagtitipon ang EcoWaste Coalition, kasama ang Green Brigade Team ng Quiapo Church, at Samahan ng mga Mangangalakal ng Scrap sa Capulong upang ibahagi ang panawagang “Kalakip ng Debosyon ang Malinis na Traslacion”.