25,102 total views
Pinangunahan ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan ang pagninilay para sa Kapistahan ng Mahal ng Poong Hesus Nazareno kung saan nagsagawa rin ng Traslacion ang arkidiyosesis noong ika-9 ng Enero, 2024.
Ayon sa Arsobispo, sinisimbolo ng krus na pasan ng imahen ng Poong Hesus Nazareno ang pagtatagumpay mula sa anumang sakit, hamon at pagsubok sa buhay sapagkat ang pagkakatawang tao ni Hesus na nagpakasakit, naipako at namatay sa krus ay ang pagsasakatuparan ng pangakong kaligtasan ng sangkatauhan mula sa kasalanan.
“Diha [Dito] sa Krus, love triumphs over the pain. Love triumphs over betrayals and difficulties that we encounter in our lives.” ayon kay Archbishop Cabantan.
Tinatayang umabot ng 18,000 ang bilang ng mga debotong nakibahagi sa isinagawang Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ng Archdiocese of Cagayan de Oro.
Ayon sa Police Regional Office in the Northern Mindanao Region (PRO-10) kabuuang naging mapayapa ang naganap na Traslacion kung saan mahigit isang libong security personnel na kinabibilangan ng mga pulis, militar at mga volunteer groups ang nagbantay sa mga rutang dinaanan ng prusisyon mula St. Augustine Metropolitan Cathedral hanggang Nazareno Church.
May kaibahan ang paraan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro na maihahalintulad sa isang prusisyon kumpara sa nakagawiang Traslacion sa Maynila mula Quirino Granstand hanggang Quiapo Church na dinaluhan ngayong taon ng mahigit sa 6 na milyong deboto.