20,532 total views
Tiniyak ng Catholic Charismatic Renewal International Service – National Service of Communion ang pagpapaigting sa gawaing pagmimisyon bilang katuwang ng simbahan.
Ayon kay CHARIS Philippines National President Fe Barino tutukan ng institusyon ang pagpapalawak sa ‘Reawakening’ seminar sa mga komunidad upang muling mapag-alab sa bawat mananampalataya ang diwa ng Espiritu Santo na tinanggap sa sakramento ng binyag..
Sinabi ni Barino na ito ang hakbang ng CHARIS Philippines bilang pakikiisa sa panawagang synodality ng Santo Papa Francisco.
“Bring them to the parish kasi yan ang nais ni Pope Francis sa synod on synodality na opening doors of the churches to everyone lalo na ang peripheries na mapalapit sa simbahan kasi we are journeying together.” pahayag ni Barino sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Barino na sinimulan nito ang ‘Reawakening Seminar’ sa mga kawani ng pribadong institusyon kung saan higit natuklasan ang pangangailangang palawakin ang ebanghelisasyon sa buong komunidad.
Nakipagtulungan ang grupo kay Fr. Cresenciano Ubod ng San Vicente Ferrer Parish sa Liloan Cebu upang isulong ang monthly prayer meeting at tipunin ang mananampalataya upang ihayag ang Salita ng Diyos.
“Kami ang nag-initiate na magsagawa ng prayer meeting atleast once a month sa simbahan then bring all people na nag-join sa reawakening, this is open to all kahit iba ang pananampalataya; this is really an opening door, this is an evangelization na parish wide.” giit ni Barino.
Magsisimula ang parishwide Charismatic Prayer Meetings tuwing ikalawang Sabado ng buwan ngayong January 13, 2024 sa San Vicente Ferrer Parish.
Naniniwala si Barino na bawat isa ay may maibabahaging karanasan sadakilang p ag-ibig ng Diyos na maging daan sa mas higit na pagpapalalim ng pananampalataya ng mamamayan.
“I think conversion stories are the most effective ways of evangelization when you bring people to the parish, to a gathering and let people share their story of conversion, of their experience of the love of God that’s the best evangelization,” ani Barino.
Bukod sa pagiging pangulo ng CHARIS Philippines si Barino rin ay naihalal na council member ng CHARIS International bilang kinatawan sa Asya gayundin ang pamamahala sa Commission on the Laity ng Archdiocese of Cebu.