21,358 total views
Hinimok ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad ang mananampalataya lalo’t higit ang mga pari ng Diocese of Pagadian na isabuhay ang mga halimbawa ni Bishop Ronald Lunas.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng arsobispo sa requiem mass nitong January 11 bago ihimlay ang mga labi ni Bishop Lunas.
Inilarawan ni Archbishop Jumoad ang namayapang obispo bilang banal at tapat sa misyong iniatang ng simbahan na pagpapastol sa isang milyong kawan ng Pagadian
“Sikapin nating maibahagi at maramdaman ng kapwa ang mapagkalingang paglilingkod ni Bishop [Ronald] Lunas, isabuhay natin ang kanyang motto na ‘Emmanuel’, at higit sa lahat nawa’y ipagpatuloy ang mga programang nasimulan para sa ikabubuti ng diyosesis,” ayon kay Archbishop Jumoad.
Tinuran ng arsobispo na maaring mapabilang sa mga banal ng simbahan si Bishop Lunas dahil sa pag-aalay ng kanyang sarili sa Diyos, sa pamumuhay ng payak at puspos ng kabanalan.
“Possibly Bishop Ronald Ignacio ‘Bong’ Lunas can be a candidate for sainthood para sa ating native clergy dito sa Mindanao,” ani ng arsobispo.
Paalala rin ng arsobispo sa mamamayan lalo na ang mga pari na ipanalangin ang mga obispo at iba pang lider ng simbahan na maging tapat sa tungkulin.
Binigyan diin ni Archbishop Jumoad na mahirap na tungkulin ang pagiging obispo gayundin ang mga pari na naglilingkod sa mga parokya kaya’t mahalagang ipanalangin ang bawat isa na maisakatuparan ang misyong maipakita at maipadama si Hesus sa sambayanan.
“Easy to enter the seminary and become a seminarian, difficult to be chosen as a priest but very scarcely and rarely a priest can be called and be ordained a bishop,” giit ni Archbishop Jumoad.
Una nang humiling ng panalangin si Archbishop Jumoad sa mamamayan na sa gabay ng Espiritu Santo ay makapili ang Santo Papa Francisco ng mga paring karapat-dapat maitalagang obispo na mangangasiwa sa mga diyosesis.
Sa kasalukuyan nasa siyam na diyosesis sa bansa ang sede vacante ang mga diyosesis ng Alaminos, baguio, balanga, Catarman, Gumaca, Ipil, Pagadian, San Pablo at, Tarlac.
Kasunod ng pagpanaw ni Bishop Lunas dahil sa komplikasyon sa heart bypass operation, itinalaga ng santo papa si Archbishop Jumoad bilang apostolic administrator ng diyosesis hanggang magtalaga ng bagong obispo ang Vatican.