47,441 total views
Nilinaw ng isang eksperto na hindi maaring rebisahin ang 1987 Philippine Constitution sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Ito ang binigyang-diin ni law professor Attorney Jose Manuel Diokno kaugnay sa mga ulat na pangangalap ng pirma sa ilang lugar sa bansa upang magpatupad ng mga pagbabago sa Saligang Batas.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veitas, iginiit ng abogado na malinaw na isinasaad sa konstitusyon na tanging pag-amyenda lamang sa ilang probisyon ng Konstitusyon ang maaring isagawa sa pamamagitan ng People’s Initiative.
“Klarong-klaro po na nakasulat sa ating Saligang Batas, na hindi puwedeng gamitin ang People’s Initiative para sa pag-rebisa ng ating Konstitusyon. Puwede lang po siya pang-amyenda lang, ibig sabihin ‘yung mga specific provisions na let’s say mga papalitan o iti-tweak. Ayun ay talagang nasa batas natin ‘yun, nasa constitution natin ‘yun. Kung ang nakalagay sa form ay ‘revision’, ay doon pa lang may malaki na tayong question,” ayon sa pahayag ni Diokno.
Iginiit ni Diokno na ang pagrerebisa o pagbabago sa konstitusyon ay maari lamang isagawa sa pamamagitan ng Constituents’ Assembly (Con-Ass) o Constitutional Convention (ConCon).
Alinsunod sa batas, ang mga miyembro ng kongreso ang magsasagawa ng pagbabago sa konstitusyon sa pamamagitan ng Con-ass, habang magtatalaga naman ng mga regional representative at iba pang kinatawan ng mga sektor upang baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng Con-Con.
Nanindigan naman ang eksperto na hindi sa pamamagitan ng pagbabago ng konstitusyon tunay na matutugunan ang iba’t-ibang suliranin ng bansa kundi sa mga polisiyang ipatutupad ng pamahalaan.
“Ang tunay na problema ng bayan ay hindi malulutas ng pagbabago ng Konstitusyon natin. Kailangan direkta na mismo ng ating pamahalaan na tugunan ang problema ng bayan. For example, ang problema ng pagkain, ang problema ng trabaho – kahit ilang beses pa natin palitan ang Konstitusyon hindi naman maaayos ‘yung problema because that problem is outside of a constitutional revision or amendment,” dagdag pa ni Atty. Diokno.
Tiniyak naman ni Diokno na siyang chairperson ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na babantayan ang mga ulat tungkol sa pagdaraos ng People’s Initiative at ang pagkwestyon sa legalidad nito sa Supreme Court sakaling makitaan ng paglabag sa Saligang Batas.
“But once there is sufficient evidence, I think there will be questions filed against this,” pagtitiyak ni Diokno.
Authored by: Kenneth Corbilla and Marian Navales-Pulgo