33,952 total views
Pinaalalahanan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang bawat isa na ituring na sagrado at mahalaga ang kanilang boto at lagda.
Ito ang panawagan ng implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na kasalukuyang pinamumunuan ni LAIKO President Xavier Padilla, kaugnay sa kumakalat na signature petition para sa isinusulong na pag-amyenda ng Konstitusyon.
Ayon sa LAIKO, mahalagang maging mapagmatyag at pag-aralan ng bawat isa ang usapin ng isinusulong na Charter Change upang magkaroon ng naaangkop na kaalaman para sa pagdidesisyon para sa bayan
“We encourage our brothers and sisters, the lay people, to be more aware and discerning regarding these moves. And to keep their vote and signature sacred.” Ang bahagi ng pahayag ng SLP.
Samantala, nagpahayag rin ng pakikiisa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa pahayag ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo laban sa tahasang pagsusulong ng pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas sa pamamagitan ng Constitutional Assembly kung saan magkakasamang boboto ang mga lahat ng mga mambabatas sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Paliwanag ng LAIKO, sadyang hindi magiging patas para sa lahat ang isinusulong na pagbubuo ng Constitutional Assembly sapagkat maaaring maisantabi ang mga pro-life at pro-family probition sa Konstitusyon lalo na’t mailang ulit ng isinusulong ng mga Kongresista ang mga anti-life bills sa Kongreso kabilang na ang pagsasabatas ng diborsyo at same sex marriage sa bansa.
“We agree with Bishop Pabillo that the move to have both Houses of Congress vote JOINTLY will adversely affect us. We have seen how a simple majority of the Lower House has tried to pass measures promoting anti-life bills such as divorce and same sex marriage. Having both House vote jointly for amendments to the Constitution, will jeopardize our pro-life and pro-family Constitution.” Dagdag pa ng SLP.
Una ng pinaalalahanan ni Bishop Pabillo ang bawat mamamayan laban sa kumakalat na inisyatibong nagsusulong ng pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng paglagda sa isang petisyon upang bumuo ng isang Constitutional Assembly kung saan maaring mabalewala ang boto ng 24 na mga Senador kumpara sa 315 mga Kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.