177 total views
Ipadama ang awa ng Diyos sa mga taong nagkakamali sa lipunan.
Ito ang naging pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity sa mga foreign at local delegates sa isinasagawang 4th World Apostolic Congress on Mercy sa Pilipinas.
Binigyang diin rin ng obispo na maging daluyan nawa ng awa ang WACOM 4 upang makapagnilay ang ating mga kababayan sa mga isyu ng pagpapanumbalik ng death penalty at nangyayaring extrajudicial killings o death under investigation sa bansa.
“Dapat itong awa ng Diyos ay ipakita rin natin sa ating buhay at kailangan din ito ng ating bansang Pilipinas na parang nawawalan na ng awa sa mga taong nagkakamali yung issue natin sa impending na death penalty, yung extra – judicial killing pinapakita nito na nawawala na yung awa ng mga tao. Kaya kailangan natin itong ipaalaala na maging maawain tayo tulad n gating Ama ay maawain sa atin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa mahigit na limang libong international at local delegates ng WACOM 4 na ipagdasal ang mga namumuno na maging mahabagin sa mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
“Please also help us overcome whatever many unmerciful deeds that are being done in our country. Please pray for us we need this congress to remind us of the primacy the priority of mercy above all even in dealing with criminals as John Paul II precisely said, ‘there is no justice where there is no mercy.’ Help us to pray for our leaders to be merciful in treating even those who are afflicted with drug addiction,” panawagan naman ni Bishop Bacani sa mga delegado ng WACOM 4 mula sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid na nakapagtala naman ang Social Weather Stations sa kanilang survey na 78 porsyento ng mga Pilipino ang natatakot na sila o kanilang mga kakilala ang magiging susunod na biktima ng extrajudicial killings.
Habang sa parehong pag – aaral lumabas sa kanilang survey na 85 porsyento ang kuntento sa nagpapatuloy na operasyon upang labanan ang iligal na droga.
Samantala, naging buod naman ng homilya sa opening mass ng WACOM 4 sa Manila Cathedral ni Caritas Internationalis president ng Luis Antonio Cardinal Tagle na maiparamdam ang awa at habag ng Diyos sa mga biktima ng human trafficking, prostitusyon at pagpatay dahil sa pagbebenta ng human organs.