79,409 total views
Mga Kapanalig, pinabulaanan ng Philippine National Police (o PNP) ang mga umuugong na destablization plot laban kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Inatasan na ng pamunuan ng PNP ang Anti-Cybercrime Group nito para imbestigahan ang pinagmulan ng tinawag nitong tsismis, at para kilalanin ang mga tao o grupong nasa likod nito. Kumalat kasi kamakailan sa social media ang post kung saan makikita ang larawan ni PNP Chief Benjamin Acorda at Armed Forces of the Philippines (o AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner na kasama ang panawagan sa presidenteng bumaba sa kanyang puwesto. Fake news ito, giit ng PNP.
Matatandaang noong Nobyembre ng isang taon nang tila nagpahiwatig si General Brawner na may mga nagpaplanong patalsikin sa puwesto si PBBM. Hindi man siya kasama sa mga sinasabing nasa likod ng planong ito—katulad ng ipinahihiwatig sa mga kumalat na post kamakailan—pinaalalahanan niya noon ang mga sundalong huwag sumali sa anumang destablization plot. Umapela rin siya sa mga nais paalisin at palitan ang presidente na huwag nang idadamay ang mga active personnel ng AFP. Sinabi rin niyang mga dating opisyal ng AFP ang nagsusulong ng kudeta. Kalaunan, nilinaw ng tagapagsalita ng AFP na walang destabilization plot laban sa kasalukuyang administrasyon, at namali lamang daw ang media sa pagkakaintindi sa mga sinabi ni General Brawner.
Gaya ng paalala ng PNP, maging maingat tayo sa mga nababasa natin sa social media. Huwag nating agad na paniwalaan at ipakalat ang mga ito. Huwag tayong maging instrumento ng misinformation o panlilito sa ating kapwa.
Gayunman, subaybayan pa rin natin ang mga balitang idinadawit ang ating mga pulis at sundalo sa mga planong nagpapahina sa ating demokrasya. Sa ating kasaysayan, ilang beses nang nagkaroon ng pagkilos laban sa pamahalaan, partikular na ang mga pinangunahan ng mga miyembro ng militar. Ang mga umuugong ngayong destabilization plot ay nag-uugat umano sa mga hinaing ng mga retiradong sundalo at mga opisyal. Ayon kay dating Senador Antonio Trillanes, isang dating sundalo na nanguna rin sa mga pagkilos laban sa pamunuan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, karamihan sa mga sinasabing nasa likod ng mga kontra kay PBBM ay maituturing na malapít kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi raw sila pabor sa mga planong repormahin ang sistema ng pensyon para sa mga uniformed personnel. Tutol din daw sila sa kabukasan ng kasalukuyang administrasyon na magkaroon ng peace talks sa mga rebeldeng grupo.
Kung may mga lehitimong hinaing sila, sana ay iparating nila ang mga ito sa tamang paraan. Kung naniniwala silang ang taumbayan ang madedehado sa mga ginagawa ng administrasyon sa usaping panseguridad at pangkapayapaan, baka makatulong kung isasapubliko nila ang kanilang mga mungkahi. Ngunit kung kumikilos sila nang pailalim at idinadamay pa ang mga nasa aktibong serbisyo, hindi maiiwasang isiping interes ng iisang tao, pamilya, o grupo ang kanilang isinusulong at ipinagtatanggol.
Sa ating kapulisan at kasundaluhan—aktibo man o wala na sa serbisyo—nawa’y manaig ang inyong katapatan sa ating bayan. Malinaw sa ating batas at sa mga umiiral na panuntunan sa ating mga lingkod-bayan na hindi sila dapat nasasangkot sa pamumulitika. Kapag ang kanilang katapatan ay nasa isang tao, imposibleng umiral ang kapayapaan sa ating bayan. Kaakibat ng pagkilos sa kapayapaan, pagdidiin sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, ang pag-iwas sa paglaganap ng pagkakahati-hati, ang pagtatanggol sa katotohanan, at ang paggawad ng katarungan sa lahat.
Mga Kapanalig, ang ating mga lingkod-bayan, kabilang ang mga pulis at sundalo, sana ay maging “mga lingkod [din] ng Diyos para sa ikabubuti natin,” wika nga sa Roma 13:4. Hangarín sana nila ang tunay na kapayapaan, kumilos nang ayon sa katotohanan, at manatiling tapat sa bayan.
Sumainyo ang katotohanan.