78,371 total views
Mga Kapanalig, sa isang editoryal pagkatapos ng Pasko, tinalakay natin ang pagtutulak ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Charter change o Cha-cha. Mismong si House Speaker Martin Romualdez ang nagsabing pag-aaralan nila ang pag-amyenda sa ating Saligang Batas habang nakabasyon. Ang mga pagbabago raw na gusto nilang isulong ay may kinalaman sa mga economic provisions, partikular na ang pagpapaluwag sa mga restrictions sa foreign investments.
Pero dahil hindi ganoon kalakas ang suporta ng mga senador sa mga panukalang amyendahan ang ating Konstitusyon, sinabi ng mga mambabatas na magsasagawa sila ng people’s initiative para umusad ang Cha-cha. Sa people’s initiative, layunin ng mga mambabatas na makakuha ng mga pirmang magpapatunay na pabor daw ang mga Pilipinong magkasamang bumoto ang dalawang kapulungan—ang ating mga kongresista at mga senador—sa mga panukalang batas na may kinalaman sa Cha-cha. Kung magkahiwalay daw kasi ang dalawa, matatalo ang 315 mga kongresista kung kokontrahin sila ng 24 na mga senador. Kung iisa lamang silang boboto, tiyak na lalamàng ang mga kongresistang tila sabik na sabik na baguhin ang Saligang Batas.
At nitong mga nakaraang linggo, umarangkada na nga ang pangangampanya ng mga kongresista upang makakalap ng mga pirma. Ibinunyag ni Congressman Edcel Lagman ng unang distrito ng Albay na ibinagsak na sa mga mayor ang tinatawag na “mobilization funds”. Gagamitin daw iyon upang bayaran ng isandaang piso ang bawat constituent nilang pipirma sa petisyong magbibigay sa dalawang kapulungan ng Kongreso ng kapangyarihang bumoto bilang isa. Minimum na 3% kasi ng bawat distrito ang kailangang pumirma sa isang people’s initiative campaign. Gaya ng inaasahan, itinanggi ng mga isinasangkot na kongresista ang impormasyong natanggap at isiniwalat ni Congressman Lagman. Maging si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel ay nakatanggap ng balitang may ikinakalat na petisyon sa mga barangay. Sa sigasig ng mga kongresistang iratsada ang Cha-cha, itinanong niya tuloy kung kaninong inisyatibo ba talaga ang Cha-cha. Duda siyang galing ito sa taumbayan. Mukhang politicians’ initiative ang nangyayari.
Kapansin-pansin din ang paglabas ng isang patalastas sa TV kamakailan kung saan tila sinisisi ang ating Konstitusyon sa pagtigil daw ng ating pag-asenso. Dahil daw dito, hindi tayo nagkaroon ng edukasyong de-kalidad. Pinayaman din daw ng Konstitusyon ang mga negosyante, at naghari ang mga monopolyo. Dapat na raw ayusin at itama ang “hindi patas” na Saligang Batas ng 1987. Isang law firm ang nagpakilalang nagbayad para sa patalastas na ito.
Nakalulungkot na ganito kababa ang tingin ng mga nagsusulong ng Cha-cha sa ating mga kababayan. Para sa isang pirma, isandaang piso ang kapalit. Para sa isang seryosong isyu, maling impormasyon at propaganda ang inihahain. Ayaw na nilang pag-isipin ang mga Pilipino. Ayaw nilang bigyan ng pagkakataon ang malalim na talakayan. Ayaw nilang magkaroon ng matalinong pag-uusap tungkol sa pagbabago ng kataas-taasang batas ng bansa.
Huwag natin hayaang mangyari ang mga ito. Hadlang ang mga ito sa ating tungkuling lumahok sa buhay ng ating lipunan, bagay na binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan. “Participation is a duty to be fulfilled consciously by all, with responsibility and with a view to the common good.” Hindi natin natutupad ang tungkuling ito kung sa maliit na halaga ng pera ay sumasang-ayon na lang tayo sa gustong mangyari ng iba. Walang saysay ang ating pakikilahok kung hahayaan natin ang ating sariling maloko ng propaganda at kung tayo rin ay nagpapakalat ng mapanlilang na impormasyon.
Mga Kapanalig, gaya ng paalala ni San Pablo sa Efeso 5:6, “Huwag kayong padaya kaninuman.” Unawain nating mabuti ang Cha-cha. Tanungin pa natin ang mga nagsusulong nito. Alamin ang tunay nilang motibasyon. Magsuri at magbantay.
Sumainyo ang katotohanan.