119,931 total views
Mga Kapanalig, prank o biro lang sana, ayon kay Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel, ang utos ng Commission on Higher Education (o CHED) na itigil na ng mga state universities and colleges (o SUCs) at maging ng mga local universities and colleges (o LUCs) ang pagtanggap ng senior high school students o ang mga papasok na grades 11 at 12. Tanong ng mambabatas, bakit daw hinayaan ng CHED at ng Department of Education (o DepEd) na mag-enroll ang mga estudyante sa mga institusyong ito kung palilipatin din naman sila ng paaralan?
Noong Disyembre, naglabas ng isang memorandum ang CHED na inaatasan ang pamunuan ng mga SUC at LUC na ihinto na ang kani-kanilang senior high school program. Wala raw kasing legal na batayan ang programa at samakatuwid ay hindi na mapopondohan. Paliwanag ng chair ng CHED na si Prospero de Vera III, ang pagkakaroon ng mga SUC at LUC ng senior high school program ay dapat na limitado lamang sa limang school years simula noong 2016. Dapat na natapos ito noong school year 2020-2021.
Sa ilalim pa ng batas, ang iniaalok lang dapat ng SUC ay mga degree courses o mga kursong pangkolehiyo, hindi mga klase para sa mga nasa high school. Pero dahil sa paglipat natin sa K-12 program na nagdagdag ng dalawang taong senior high school sa tinatawag na basic education, kinailangan ang tulong ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo upang punan ang kakulangan sa mga guro at silid-aralan. Sa panahong ito, nagbibigay ng subsidiya ang DepEd sa mga senior high school students sa mga unibersidad at kolehiyo, bagay na matatapos na nga dahil nagwakas na ang transition period sa pagpapatupad ng K-12 program.
Mahigit 17,000 na estudyanteng nasa grade 11 ang tinatayang maaapektuhan ng tuluyang pagsasara ng senior high school program sa mga SUC at LUC. Sa susunod na school year, maaari—o baka nga mapilitan—na lumipat sa mga pampublikong high school ang mga estudyanteng ito. Sa mga gustong lumipat naman sa mga private high school, pwede rin namang mag-apply sa voucher program upang mabawasan ang babayarang tuition fee. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, binanggit ni CHED Chairman de Vera na pag-uusapan pa niya at ng pamunuan ng DepEd ang tungkol sa subsidiya para sa mga pampublikong unibersidad na mayroon pang senior high school students sa susunod na school year.
Tiyakin nga sana ng DepEd na handa na ang mga pampublikong high school na tanggapin ang mahigit 17,000 na mga grade 11 students sa kasalukuyan na papasok naman sa grade 12 sa susunod na school year. Malaking adjustment ang kailangang gawin ng mga bata pati na rin ng kanilang mga magulang. Malaking epekto rin ang dadalhin nito sa mga gurong maaaring madagdagan din ang mga tuturuang estudyante. Gaya nga ng sinabi ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro, nagsagawa sana ang DepEd at CHED ng sapat na konsultasyon sa mga estudyante, mga magulang, at mga guro bago sila nagpalabas ng kanilang mga kautusang tila binigla sila.
Sa ganitong mga hakbang ng gobyerno sa sektor ng edukasyon, hindi maiiwasang pangambahang may maiiiwan sa kanilang pagkatuto. Hindi ito dapat nangyayari. Mahalagang bahagi ang edukasyon ng kabuuang kagalingan o well-being ng tao. Wika nga sa Mga Kawikaan 4:13, “Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan.” At katulad ng sinasabi sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, tungkulin ng gobyernong tiyaking nariyan ang mga kondisyong tutulong sa mga mamamayang makamit ito. Kaya naman, dapat nakatuon sa kapakanan ng taumbayan ang anumang patakaran o programang ipinatutupad nila.
Mga Kapanalig, sa usaping edukasyon, hindi dapat maging hadlang ang gobyerno.
Sumainyo ang katotohanan.