19,589 total views
Hinimok ng pamunuan ng Sto. Niño de Pandacan Parish sa Manila ang mamamayan na ipagpatuloy ang debosyon sa batang Hesus.
Ayon sa Kura Paroko ng dambana na si Fr. Andy Ortega Lim mahalagang mas palalimin ang debosyon sa Sto. Niño tanda ng patuloy na pananalig sa dakilang pag-ibig ng Diyos.
“Patuloy ang ating debosyon sa Mahal na Poong Sto. Nino rito sa Pandacan sapagkat ito ay tanda ng ating pagpapasalamat sa patuloy na pagpapala sa atin gayundin ito ay tanda ng pagpapatibay ng ating pananampalataya,” pahayag ni Fr. Lim sa Radio Veritas.
Dalangin ni Fr. Lim na ipagkaloob ang kahilingan ng mga debotong dumudulog sa dambana ng ng Batang Hesus sa Pandacan.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Misang Maringal sa araw ng kapistahan nitong January 14 kung saan tampok ang pagprusisyon at pagluluklok sa imahe ng Sto. Nino sa dambana sa saliw ng Buling-buling ang tanyag na gawain tuwing kapistahan ng Pandacan.
Samantala, umapela ng tulong si Fr. Lim sa mananampalataya na tulungan ang patuloy na pagsasaayos ng simbahan na lubhang napinsala sa sunog noong 2020.
“Sana po tulungan nyo kami sa pagpapagawa ng simbahan na nasunog noong 2020 para ang mga parokyano at mga deboto na dumadalaw dito magkaroon ng bagong tahanan, bagong simbahan, ang ating Mahal na Poong Sto. Nino ay magkaroon din ng bagong luklukan,” saad pa ni Fr. Lim.
Matatandaang nasunog ang simbahan noong July 10, 2020 na ayon sa Bureau of Fire Protection ay bunsod ng faulty wiring.
Kabilang sa napinsala ng sunog ang Tres Potencias ng 400-year old na imahe ng Sto. Nino o ang andador, globo at krus na bitbit ng batang Hesus.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pagpapagawa at pagsasaayos ng simbahan kaya’t umaapela ng suporta ang pamunuan ng Pandacan Church.
Sa mga nais magbahagi ng kanilang tulong makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng parokya sa telepono 02-8563-3211 o bisitahin ang kanilang official facebook page na https://www.facebook.com/stoninodepandacanparish para sa karagdagang detalye.