24,324 total views
Tuluyan ng naihatid sa kanyang huling hantungan si Davao Archbishop-emeritus Fernando Capalla.
Pinangunahan ang funeral mass ni Davao Archbishop Romulo Valles katuwang si Cotabato Archbishop-emeritus Orlando Cardinal Quevedo na nagsibilbing homilist at nagbahagi ng kanyang pagninilay sa banal na misang isinagawa sa San Pedro Cathedral ganap na alas-dyes ng umaga ng Lunes, ika-15 ng Enero, 2024.
Personal namang nagpaabot ng pakikiramay ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pagpanaw ni Archbishop Capalla sa pamamagitan ng isang liham na ipinaabot ni Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin.
Nasasaad sa nasabing liham na binasa sa pagtatapos ng banal na misa ni Rev. Msgr. Paul Quizon – Vicar General ng Archdiocese of Davao, ang pakikiisa at pakikidalamhati ni Pope Francis sa lahat ng mga lingkod ng Simbahan at mananampalataya ng Archdiocese of Davao sa pagpanaw ni Archbishop Capalla.
Muli ring kinilala ng Santo Papa Francisco ang pambihirang dedikasyon ng napamayapang arsobispo na nakilala sa kanyang paninindigan sa pagsusulong ng ecumenical at interreligious dialogue.
“His Holiness Pope Francis was saddened to learn of the death of the Most Rev. Fernando R. Capalla – Archbishop-Emeritus of Davao and he sends heartfelt condolences to the clergy religious and lay faithful of the archdiocese. Recalling with gratitude Archbishop Capalla’s many years of dedicate episcopal ministry particularly his pastoral charity and commitment to promote the inter-religious dialogue.” Ang bahagi ng liham na ipinaabot ni Cardinal Pietro Parolin.
Nakapaloob rin sa nasabihing liham ang pagtiniyak ng Santo Papa Francisco sa kanyang pananalangin para sa ikapapayapa ng kaluluwa ni Archbishop Capalla gayundin para sa kapanatagan ng loob ng lahat ng mga naiwang mahal sa buhay at nagluluksa para sa pagpanaw ng arsobispo.
“His Holiness commends the late Archbishop soul to the love and mercy of Christ, the good shepherd. To all who mourn his passing in the sure hope in the resurrection the Holy Father cordially parts his blessing as a pledge of consolation and peace in the Lord.” Ayon pa sa liham ni Cardinal Pietro Parolin.
Dinaluhan ang banal na misa ng mga kaanak at mga mananampalataya ng Arkidiyosesis ng Davao gayundin ang iba pang mga Obispo mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pangunguna ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kung saan nagsilbi rin bilang dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines si Archbishop Capalla mula taong 2003 hanggang 2005.
Pagbabahagi ni Bishop David, kahanga-hanga ang pagsasabuhay ni Archbishop Capalla sa diwa ng Synodality na isinusulong ng Santo Papa Francisco na pagsusulong ng pakikipagdayalogo at pagiging bukas para sa lahat ng mga sektor upang matugunan ang mga mahahalagang usapin dapat na pagtuunan ng pansin sa lipunan.
“Archbishop Capalla exemplify the principle of Synodality as promoted by Pope Francis which challenges us to live out the true meaning of Catholicity in the sense of openness to a social fraternity that transcends boundaries of faith, culture, politics and economics.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Davaid.
Inilagak ang labi ni Archbishop Capalla sa Dormitium de San Pedro na matatagpuan sa ibaba ng cathedral.
Si Archbishop Capalla ang ikatlong arsobispo ng Archdiocese of Davao na naglingkod ng halos 18-taon bilang punong pastol ng arkidiyosesis bago nagretiro noong February 11, 2012.
Nakilala rin si Archbishop Capalla para sa kanyang adbokasiya na pagsusulong ng Ecumenical at Interreligious Dialogue kung saan nagsilbi rin ang namayapang arsobispo bilang honorary president ng World Conference on Religion and Peace at kasaping miyembro ng Pontifical Council for Interreligious Dialogue mula taong 1988.
Kabilang sa kanyang natanggap na pagkilala para sa pagsusulong ng interfaith dialogue ang San Lorenzo Ruiz Award for Peace and Unity noong 1991, Ateneo de Manila University Public Service Award for Peace noong 1998, at Aurora Aragon Quezon Peace Award for Peace Advocacy and Peace Building noong 2000.