34,319 total views
Nagpaabot ng panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care para sa agarang paggaling ni Puerto Princesa Bishop-emeritus Pedro Arigo.
Pinangunahan ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio – chairman ng prison ministry ng CBCP ang pag-aalay ng panalangin para sa mabilis na paggaling ni Bishop Arigo na kasalukuyan nang nasa stable condition matapos ang matagumpay na pagsailalim sa brain surgery sa Cardinal Santos Medical Center noong Sabado ika-13 ng Enero, 2024.
Ayon kay Bishop Florencio, nawa ay maging mabilis ang paggaling ni Bishop Arigo at biyayaan ng Panginoon ng patuloy na lakas upang makapaglingkod sa Simbahan.
Pagbabahagi ni Bishop Florencio, kahanga-hanga ang adbokasiya at misyon ni Bishop Arigo lalo’t higit para sa prison ministry ng Simbahan kung saan makailang termino din na naglingkod si Bishop Arigo bilang chairman ng CBCP-ECPPC.
“My prayer for Bp. Pedro Arigo former chairman of the ECPPC is that God may give him more strength to serve the church even in his capacity as emeritus bishop and former chairman of the ECPPC. And that as he recovers from the hospital bed may he continue to inspire all of us especially the ECPPC to continue our mission sa mundong ito. More power and get well soon.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Bilang chairman ng prison ministry ng CBCP mariing isinulong ni Bishop Arigo ang pagbabago sa Punitive Mentality na namamayani sa bansa kung saan lubos ang pagkundina, pagpaparusa at pagpapanagot sa mga nagkasala na maituturing na pagkakait ng pangalawang pagkakataon sa mga ito upang makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay.
Matatandaang una ng humiling ng panalangin ang Diocese of Imus para sa agarang paggaling ni Bishop Arigo matapos ang matagumpay na pagsailalim sa brain surgery noong Sabado ika-13 ng Enero, 2024.
Matapos na dalawang dekadang pagsisilbing bilang punong pastol ng Puerto Princesa mula ng maitalaga sa katungkulan ni St. John Paul the 2nd noong February 23, 1996 ay nagretiro si Bishop Arigo sa kanyang posisyon noong October 28, 2016.
Kasalukuyang naninirahan si Bishop Arigo sa kanyang hometown sa Cavite na sakop ng Diocese of Imus at tumutulong sa mga gawaing pagpapastol sa diyosesis lalo na ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa mga parokya.