36,572 total views
Nagpapasalamat ang KAPATID,organisasyon ng mga kapamilya ng political prisoners kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pagtanggap sa imbitasyon na magdiwang ng banal na misa para sa Persons Deprived of Liberty partikular na para sa mga political prisoners noong ika-16 ng Enero, 2024.
Pagbabahagi ni Kapatid spokesperson Fides Lim, lubos ang pasasalamat ng organisasyon para sa pagbibigay pansin ni Bishop David sa kalagayan ng mga political prisoners gayundin sa pakikiisa sa panawagan para sa pagpapalaya ng mga PDLs na matatanda at may mga sakit.
“We are overjoyed he accepted our invitation to say a Mass for our intentions to call attention to the plight of the political prisoners and our appeal for the release of the elderly and sick,” ang bahagi ng pahayag ni Lim.
Nakatuwang ni Bishop David sa pagdiriwang ng banal na misa sina CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Executive Secretary Rev. Fr. Nezelle O. Lirio at Rev. Fr. John Albert V. Absalon mula sa prison ministry ng CBCP at Diocese of Pasig.
Naganap ang banal na misa sa Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ-4) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City na unang misa na isinagawa sa loob ng piitan sa loob ng nakalipas na limang taon at kauna-unahang banal na misa sa pangunguna ng isang obispo.
Ang Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ-4) na kilala din bilang Special Intensive Care Area 1, ay itinuturing na “showcase” prison for “high-profile” male detainees kung saan aabot sa 348 ang mga nakapiit na Persons Deprived of Liberty dito kabilang na ang 26 political prisoners.
Dinaluhan ang banal na misa ng ilang mga PDLs, mga kaibigan at kaanak ng mga political prisoners, ilang mga opisyal ng piitan gayundin ang mga kinatawan mula sa prison ministry ng CBCP at organisasyon ng KAPATID.