25,623 total views
Hinihikayat ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang mga mananampalataya na manalangin para sa biyaya ng pagkakaroon ng mga obispong mangangasiwa sa mga diyosesis lalo’t higit sa mga lugar na sede vacante.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Bishop David sa naganap na funeral mass ni Davao Archbishop-emeritus Fernando Capalla noong ika-15 ng Enero, 2024 kung saan inalala at ipinanalangin din ni Bishop David ang apat na mga Obispo na namayapa kamakailan lamang kabilang na si Gumaca Bishop Victor Ocampo, Tarlac Bishop Enrique Macaraeg, at Pagadian Bishop Ronald Lunas.
Nawa ayon kay Bishop David ay patuloy na gabayan ni Archbishop Capalla na naging Obispo sa edad na 40-taong gulang ang Simbahang Katolika sa pamamagitan ng pagiging tagapamagitan sa panalangin ng sambayanan para sa pagkakaroon ng mga bagong pastol ng bansa.
“Since last year we have lost 4 brother bishops, 3 active and relatively younger once like Bishop Victor Ocampo of Gumaca, Bishop Enrique Macaraeg of Tarlac, and Bishop Bong Lunas, and one emeritus our beloved Archbishop Nanding. Now we have nine vacant dioceses waiting for a bishop and so I ask you to please pray hard that new bishops be appointed soon to fill up the vacancies. I make that prayer asking for Archbishop Nanding Capalla who became a bishop at the young age of 40 to intercede for us.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop David.
Sa kasalukuyan ay siyam na diyosesis sa bansa ang sede vacante-ito ay ang mga diyosesis ng Alaminos, Baguio, San Pablo, Balanga, Gumaca, Ipil, Tarlac, Catarman at Diyosesis ng Pagadian.
Inaasahan ding sa mga susunod na taon ay ilang obispo pa sa bansa ang magreretiro sa pagtuntong sa mandatory retirement age na 75 taon.
Sa tala ng Radyo Veritas Catholink, dalawang obispo sa Pilipinas ang magdiriwang ng ika-75 taon ngayong 2024, ito ay sina Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo ngayong buwan ng Enero at Infanta Quezon Bishop Bernardino Cortez sa darating na Hulyo.
Bagama’t nasa 75-taon at higit pa, apat na obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang patuloy pa ring nangangasiwa sa kanilang diyosesis na kinabibilangan nina Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona (77-taong gulang); Virac Bishop Manolo Delos Santos (76-taong gulang); Cubao Bishop Honesto Ongtioco (75-taong gulang) at Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud (75-taong gulang).
Nasasaad sa Canon 401 ng Code of Canon Law na kinakailangang magsumite ng liham-pagbibitiw ang mga obispo pagsapit ng edad na 75-taon gulang, bagama’t ang Santo Papa pa rin ang magpapasya kung tatanggapin o hindi ang pagreretiro ng mga obispo.