23,079 total views
Pinaigting ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay proteksyon sa mga kasambahay sa Pilipinas.
Mahigpit na ipinapatupad ng DOLE ang ‘Batas Kasambahay’ o Republic Act No.10361 na nagbibigay ng karagdagang proteksyon at pangangalaga sa kapakanan ng mga kasambahay habang namamasukan sa kanilang mga employer.
Tiniyak ni DOLE-Workers’ Welfare and Protection Cluster Undersecretary Benjo Santos Benavidez ang pagpapairal sa batas sa paggunita tuwing January 18 ng ‘Araw ng mga Kasamabahay’ sa Pilipinas.
Ipinangako ni Benavidez sa mga kasambahay na maayos at tama ang matatanggap nilang sahod at benepisyo.
“Lahat po ng serbisyo ng pamahalaan, lahat po ng taong gobyerno ay nakatutok na pangalagaan o proteksiyunan ang karapatan ng mga manggagawa, katulad po ng mga kasambahay, handa po ang pamahalaan na ibigay nang buong-buo ang serbisyo para po sa lahat ng mamamayang Pilipino, lalong-lalo na sa sektor na gaya po ng ating mga kasambahay.” ayon sa mensahe ni Benevidez na ipinadala ng DOLE sa Radio Veritas.
Tiniyak rin ng kagawaran ang pagpapaigting sa programang #ParaSaFutureNik at #SerbisyoParaKayK na nagbibigay karagdagang livelihood training sa mga kasambahay at pagkakataon na maging bahagi ng Pag-ibig Fund, PhilHealth, Social Security System, Department of Social Welfare and Development, Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Gayunman, aminado ang DOLE na umaabot sa 1.4-million ang mga kasambahay na walang maayos na kasunduan o kontrata sa kanilang mga employers.
Patuloy naman ang pakikiisa ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern sa sektor ng mga kasambahay upang makamit nila ang pantay na suweldo at benepisyo.