12,988 total views
Inihayag ng mga tumanggap ng Pro Ecclesia et Pontifice o Papal Award ang walang hanggang pasasalamat at kababaang loob.
Ayon kay Fernando Zobel de Ayala, Director ng Ayala Corporation at Bank of the Philippine Islands at Vice Chairman ng Caritas Manila na hindi niya inaasahang makatanggap ng pagkilala mula kay Pope Francis.
Sinabi ng opisyal ng Social Arm ng Archdiocese of Manila sa nakalipas na 33-taon ay ginagawa lamang niya tungkulin na maging daluyan ng pagmamahal at habag ng Panginoon sa kapwa.
” I never expected it, it was a great surprise but I am deeply honored, I am deeply grateful, but its really our chance to work with so many volunteers, they’re the one who really takes the credit, we’re just really part of it, we set some directions on the board, we try to give strategic inputs, we try to help in any way but credit realy goes to the whole community that helps Caritas help the Poor,” pahayag ni Ayala sa Radio Veritas.
Ipinangako naman ni Arnulfo Veridico – isa rin sa mga Papal Awardee at long-time volunteer ng Caritas Manila ang patuloy na pagsisilbi upang iparating sa mga mahihirap at pinakangangailangan ang tulong ng simbahan.
Ibinahagi ni Veridico sa Radyo Veritras na kasama ang pinamumunuang volunteers ay hindi nila alintana ang personal na pagbabahagi ng donasyon at serbisyo higit na tuwing may kalamidad o donation drive upang makapagpamahagi ng tulong sa kapwa.
“Hindi ko ine-expect na ang isang katulad kong volunteer ay mabibigyan ng award, maiko-consider, so napakalaking karangalan para sa akin nito, ito ay tatanawin kong napakalaking biyaya mula sa Panginoon dahil 50 years nakong naglilingkod at 20years na sa Caritas, sa lahat ng ginagawa ko, pati sa pagtulong sa mga mahihirap, hindi naman ako nag-eexpect ng kapalit so it’s a big blessing for me mabigyan ng ganitong award,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Veridico.
Bukod kay Ayala at Veridico, kasama ding pinarangalan ang tatlo pang opisyal at donors ng Caritas Manila na sila Ramon Del Rosario – Vice-chairman ng Board of Trustees ng Caritas Manila at CEO ng Philippine Investment and Management Corporation, Mr.Manuel Pangilinan na Board of Trustees ng Caritas Manila na siya ring Managing Director and CEO ng First Pacific at Pangulo ng Metro Pacific Investments ng PLDT-Smart at Manila Electric Company.
Kasama din nilang nilang lima sa pagtanggap ng Papal Award na pinakamataas na pagkilala na mula sa Santo Papa ang mga Laiko mula sa Archdiocesan Shrine ng San Jose De Trozo na sina Roselina Quismundo, Elmer Sy, Corazon Rodriguez at Tomasita Lim.
Unang ipinaalala ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga Papal awardees na manatiling mapagkumbaba sa kabila ng pagtanggap ng parangal at ipagpatuloy ang pagsisilbi sa Panginoon upang makatulong sa kapwa.