115,696 total views
Sa ating lipunan, marami sa atin ang out of touch – para bagang bulag sa realidad ng ating lipunan. Hindi natin nakikita, halimbawa, ang mga informal workers o impormal na manggagawa sa ating paligid.
Ang mga manggagawa o laborers sa Pilipinas ay pangunahing haligi ng ekonomiya. Ang kanilang pagtatrabaho at pag-aambag sa industriyalisasyon at produksyon ay nagbibigay daan sa pagsulong at pag-unlad ng bansa. Ngunit sa kabila ng kanilang mahalagang papel, marami sa kanila ang patuloy na nakakaranas ng mga hamon at pagpapabaya.
Tinatayang mga 15.68 million ang bilang ng mga informal workers sa ating bansa. Sila ay isa sa pangunahing bahagi ng ating lakas paggawa — binubuo nila ang 38% ng ating mga manggagawa. Tinataguyod nila ang iba’t ibang industriya tulad ng agrikultura, konstruksyon, manufacturing, at serbisyong pangkalusugan. Noong 2016, mahigit limang trilyon ang ambag nila sa GDP ng bansa. Ngunit kahit gaano kalaki ang kanilang ambag, marami sa kanila ay nagtatrabaho sa mga kondisyong hindi laging makatarungan.
Isa sa malaking hamon ng mga informal workers, kapanalig, ay ang kontraktuwalisasyon. Wala silang kasiguruhan sa trabaho at limitado ang kanilang mga benepisyo. Ang pagkakaroon ng regular na trabaho at disenteng sahod ay hindi laging natatamasa ng lahat ng manggagawa.
Marami ring manggagawa ang walang sapat na proteksyon laban sa mga aksidente sa trabaho at iba pang panganib. Kadalasang kulang ang kanilang training at safety measures sa trabaho. Dahil dito, marami sa kanila ang nagiging biktima ng aksidente at occupational diseases.
Mababa rin ang sahod at hindi sapat ang benepisyo ng marami sa ating mga laborers. Wala silang health insurance, leave credits, at iba pang benepisyong makakatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang di-makatarungang sahod at benepisyo ay nagbubunga ng kahirapan at kakulangan sa seguridad sa kanilang mga pamilya. May magkasakit lamang sa kanilang pamilya, medical at financial crisis na agad ito, na maaaring magbaon sa kanila sa utang.
Bukod dito, kulang din ang atensyon sa mental at physical health ng ating mga informal workers. Pinapasan nila ang mabigat trabaho araw araw para sa sweldong laging bitin para sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Malaki ang epekto nito sa kanilang kalusugan dahil palagi na lamang silang naiipit sa crisis o survival mode. Walang kapayapaan sa kanilang isip at damdamin. Napakahalaga ang pagtataguyod ng mga programa at serbisyo para sa kanilang kalusugan at kagalingan.
Kapanalig, napakalaki ng ambag ng mga informal workers sa ating bayan, pero hindi naman tugma ang suportang ating binibigay sa kanila. Dapat nating kilalanin ang kanilang mga karapatan at tiyakin ang makatarungang kondisyon sa kanilang trabaho. Sa ganitong paraan, mas mapaglilingkuran natin ang sektor ng manggagawa, na siyang bumubuhay at nagpapalakas sa ating bayan. Ayon nga sa Rerum Novarum, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Dapat lamang tiyakin ng pamahalaan ang kapakanan ng manggagawa upang sila na nag-aambag ng malaki sa lipunan ay makabahagi naman sa mga benepisyong nagmumula din sa kanilang mga kamay. Kailangan natin tiyakin na sila ay malusog, may matitirhan, sapat ang batayang serbisyo, at may maginhawang buhay.
Sumainyo ang Katotonana.