100,413 total views
Kapanalig, napakalaking hamon ng basura sa ating bayan. Hanggang ngayon, mataas pa rin ang ating waste generation rate. Kada araw, 61,000 million metric tons ng basura ang ating nililikha at 24% nito ay plastic. Sa paglipas ng mga taon, ang problema sa basura ay lalong lumalala, at nagiging banta ito sa ating mga komunidad, likas na yaman, at kagandahan ng bansa.
Saan mang dako ng Pilipinas, nagkalat ang mga tambak na basura sa mga ilog, kalsada, kagubatan, at lalo pa sa mga urbanisadong lugar. Ilan sa mga pangunahing sanhi ng problema ay ang kawalan ng disiplina ng mga mamamayan, maling pamamahala ng basura, at ang kakulangan sa edukasyon tungkol sa proper waste disposal.
Nito lamang nakaraang Translacion, gabundok na basura ang naiwan matapos ang prusisyon. Kailan natin makikita kapanalig, na hindi tugma sa ating pagiging Kristiyanong katoliko ang patuloy na pagtaas ng bilang ng basura sa ating lipunan?
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagdami ng basura ay ang paggamit ng single-use plastics. Ang mga plastic ay malaking bahagi ng basura sa bansa at nagdudulot ng malaking pinsala sa kalikasan. Madalas itong natatapon sa mga ilog at karagatan na nagdudulot ng polusyon at masamang epekto sa mga hayop at halaman.
Ang mga iligal na tambakan ng basura ay isa ring malaking suliranin. Sa ilalim ng batas, bawal itapon ang basura sa mga lugar na hindi itinakdang pampublikong pasilidad. Pero marami pa rin ang nagtatapon ng basura sa mga ilalim ng tulay, tabi ng kalsada, o kahit saan na lamang. Ang mga ganitong gawain ay nagbubunga ng soil at water pollution, na maaring makasama sa kalusugan ng tao at ng kapaligiran.
Ang kakulangan sa tamang edukasyon tungkol sa waste management at recycling ay nagiging dahilan din kung bakit laganap ang problema sa basura. Marami sa atin ang hindi pa nakakaunawa kung paano tamang itapon ang basura at kung paano mag-recycle. Dapat magsagawa ng masusing kampanya at edukasyon tungkol dito upang maipahayag ang kahalagahan ng responsible waste disposal. Kulang din ang mga basurahan sa ating mga pampublikong lugar gaya sa mga daanan o sidewalks, at mga public spaces gaya ng parke. Kung meron man, hindi regular na nakokolekta ang mga basura dito.
Mahalaga ang papel ng pamahalaan, lokal na komunidad, at bawat isa sa atin sa pagtugon sa problema ng basura sa ating bansa. Dapat magkaroon ng mas mahigpit na implementasyon ng mga batas na naglalayong pigilan ang ilegal na pagtatapon ng basura. Mahalaga rin ang pagsusulong ng mga programa at proyekto na naglalayong mabigyan ng solusyon ang problema sa basura, tulad ng waste segregation at recycling initiatives. Kolektibong pagsisikap ang kailangan. Kailangan nating gawin ito ng sama-sama dahil ayon nga sa Laudato Si: Bilang Kristiyano, kailangan nating mapagtanto ang ating responsibilidad sa lahat ng nilikha, at ng ating tungkulin sa kalikasan at sa Diyos. Ito ay esensyal na bahagi ng ating pananalig.
Sumainyo ang Katotohanan.