37,677 total views
Ilang mambabatas ang nagpahayag ng pagsang-ayon na ibalik ng Hunyo ang ‘pasukan’ ng mga mag-aaral, mula sa kasalukuyang umiiral na school calendar na nagsisimula ng buwan ng Agosto.
Ayon kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, ang hakbang ay ayon na rin sa kahilingan ng maraming mag-aaral, magulang at mga guro.
Dagdag pa ni Castro, mas nakasanayan na ng marami ang pagpasok kahit sa panahon ng tag-ulan, habang marami naman ang naiulat na dinala sa pagamutan o nagkakasakit dulot ng labis ng init ng panahon.
“Students and teachers also go to school during the rainy season and have well adapted ro it. It also seems that more time for classes were wasted during summer because classes cannot have lessons due to the extreme heat,” ayon pa kay Castro.
Gayundin ang pananaw ni Surigao del Norte, 2nd district Representative Robert Barbers, lalo’t umiiral ang pabago-bagong panahon at ang labis na init na nakakaapekto sa kalusugan ng mga estudyante at mga guro
Paliwanag pa ni Barbers, makakatulong din sa lokal na turismo kung ibabalik ang dating school calendar na mula Hunyo hanggang Marso lalo’t ang summer vacation ay ang tradisyon o panahon ng pamamasyal ng mga pamilya kasama ang kanilang mga anak.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng konsultasyon ang Department of Education sa posibleng pagbabago ng August to June school calendar na unang ipinatupad dulot ng Covid 19 pandemic.
“With summer vacation returning, our domestic tourism will have a most needed boost as families can again enjoy going on vacations around the country, a tradition that was lost when the school calendar was changed years ago. This will greatly contribute to the recovery of the local economy”, Sa kabila nito, hindi naman sang-ayon si Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez na ibalik ang dating school calendar.
Ayon kay Rodriguez, layunin ng umiiral na school calendar na mapangalagaan ang mga mag-aaral mula sa malalakas na bagyo at sakit na dulot ng mga pag-ulan, lalo’t ang tag-ulan ay nagsisimula ng Hunyo hanggang Marso.
Giit ng mambabatas, hindi na dapat baguhin ang umiiral na school calendar na nagsisimula ng Agosto hanggang Mayo upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral maging sa mga karamdaman tulad ng lagnat, ubo at sipon na karaniwan sa panahon ng tag-ulan.
Tinukoy ng mambabatas ang pagsusuri na kakaunti ang mga araw na may ulan o bagyo sa kasalukuyang school calendar kumpara sa dating ‘pasukan’ sa paaralan- kaya’t mas kakaunti rin ang pagpapaliban ng klase dulot ng sama ng panahon.
Dagdag pa ng mambabatas na ang kasalukuyang school calendar ay nakaayon na rin sa school schedules ng mga paaralan sa maraming bansa na nagpapaigting sa ugnayan sa pagitan ng mga paaralan sa Pilipinas at ibang bansa.
“It enhances collaboration among Philippine and foreign schools and fosters faculty, personnel, and student exchanges,” ayon kay Rodriguez.
Kaya’t panawagan ni Rodriguez sa Department of Education na pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti sa edukasyon lalo na sa larangan ng agham, matematika, information technology, kasaysayan, kultura at moral values sa halip ang papalit-palit na school calendar.
Sa panig naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang pagtalima sa anumang gagawing pagpapasya ng DepEd kaugnay sa ipatutupad na school calendar.
Ayon kay La Union Bishop Daniel Presto, chairman ng CBCP-ECCE ang mahalaga ay nasusunod ang bilang ng mga araw na dapat ay nasa paaralan ang mga estudyante.
“Ang mahalaga duon nasusunod ang number of school days,” ayon kay Bishop Presto.
Una na ring binigyan diin ng Santo Papa Francisco na ang misyon ng mga paaralan ay magbuo ng isang kamalayan ng katotohanan, ng kung ano ang mabuti at kung ano ang nararapat.