26,829 total views
Simulan na ang pagbabalik-loob at pagbabagong-buhay para sa kalikasan.
Ito ang hamon ni Borongan Bishop Crispin Varquez sa mamamayan sa ginanap na Island-wide Jericho Walk Prayer Assembly sa Guiuan, Eastern Samar bilang patuloy na panawagang ihinto ang mapaminsalang pagmimina sa buong Samar Island.
Sa pagninilay ni Bishop Varquez, sinabi nitong ang pagmamalabis at hindi pagiging kuntento ng tao ang nagiging dahilan ng unti-unting pagkaubos ng mga likas na yaman.
Iginiit ng obispo na ito’y handog lamang ng Diyos sa sangkatauhan, hindi upang pagsamantalahan, bagkus ay dapat pangalagaan at pagyabungin para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“But we human beings have sinned. We have caused much damage in God’s good creation… We have caused ecological imbalance because our actions have negatively impacted the interactions of living and non-living beings in our environment,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Varquez.
Hinikayat ni Bishop Varquez ang bawat isa na agad nang kumilos at manindigan laban sa mga mapaminsalang gawaing kapag nagpatuloy ay higit pang paghihirap ang idudulot sa kalikasan at buhay ng tao.
Panawagan ng obispo ang pagsisikap na baguhin ang mga nakasanayang pamumuhay na nakapipinsala sa kapaligiran; pagsuporta at pamumuhunan sa renewable energy; at pagpapabuti ng pamahalaan sa mga panuntunan at programa para sa kalikasan, lalo na sa sektor ng pagmimina.
Umaasa si Bishop Varquez na maging makabuluhan at madinig ng mga kinauukulan ang hinaing ng mga apektadong pamayanan, at isaalang-alang ang kaligtasan sa halip na salaping kapahamakan lamang ang dulot sa tao at kalikasan.
“A healthy environment is a higher value than any amount of gain or money that is only temporary. On the contrary, a good environment is an invaluable treasure not only for us today but also for our children’s grandchildrenn, the future generations,” saad ni Bishop Varquez.
Humaharap ang isla ng Samar mula sa iba’t ibang mapaminsalang gawain tulad ng pagmimina na nagdulot na ng malaking pinsala sa Homonhon at Manicani Island sa Guiuan, Eastern Samar.
Tema ng naganap na Jericho Walk ang “No to Mining and Environmental Degradation in any parts of Samar”