18,427 total views
Itinalaga ng Vatican ang National Shrine of La Virgen Divina Pastora sa Gapan City, Nueva Ecija bilang ika-22 Minor Basilica sa Pilipinas.
Ito ang inanunsyo ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud matapos igawad ng Kanyang Kabanalan Francisco ang titulo para sa kauna-unahang Minor Basilica sa Nueva Ecija at pinakamatandang simbahan sa diyosesis.
“It is with great joy to announce to you that the National Shrine of La Virgen Divina Pastora in Gapan City, Nueva Ecija, has been honored by our Holy Father, Pope Francis, with the title of Minor Basilica, making this centuries-old church the first minor basilica in the province of Nueva Ecija,” pahayag ni Bishop Bancud.
Nakatakda sa Abril 26, 2024 ang elevation ng minor basilica na pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Kasabay ito ng pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo ng canonical coronation sa imahen ng La Virgen Divina Pastora, at ika-38 anibersaryo ng deklarasyon ng simbahan bilang national shrine.
Samantala, inatasan naman ni Bishop Bancud ang rektor ng bagong basilica na si Fr. Aldrin Domingo, na tiyakin ang kahandaan ng mga mananampalataya at simbahan sa napakahalagang pagdiriwang sa diyosesis.
Umaasa naman ang obispo na magdudulot ito ng higit pang paglago ng pananampalataya at masidhing debosyon sa dambana at sa La Virgen Divina Pastora.
“We rejoice heartily because this special blessing was granted to us while the diocese is celebrating its 60th anniversary of its foundation. May La Virgen Divina Pastora continue to guide us and lead us to Jesus, the Good Shepherd,” saad ni Bishop Bancud.