35,278 total views
Mariing nanindigan ang mga lingkod ng Simbahan at mga lider ng layko sa Diyosesis ng Gumaca laban sa isinusulong na pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Sa isinapublikong pahayag ng diyosesis na pinagkaisahan at nilagdaan ng 107 na mga pari, mga madre, seminarista at lider-layko ng Gumaca ay kinumpirma ang nangyaring pangangalap ng lagda sa mga lugar na nasasakop ng Diyosesis ng Gumaca.
Ayon sa pahayag, may mga pagkakataon na hindi malinaw at hindi ipinapaliwanag sa karaniwang mamamayan kung ano ang kanilang nilalagdaan kung saan may ilang mga lugar din na namimigay ng ayuda kapalit ang pirma.
Pagbabahagi ng diyosesis, makikita na sa pamamaraan pa lamang ng pangangalap ng pirma ay mayroon ng panlilinlang, pananamantala at kawalan ng katarungan.
“Kumpirmado ang nangyaring pangangalap ng pirma sa mga barangay na nasasakupan ng Diyosesis ng Gumaca. May mga pagkakataong hindi ipinaliwanag ang tunay na dahilan ng pirmahan. May mga dokumentong hindi nakasulat nang malinaw at naiintindihan ng karaniwang mamamayan kung para saan ito. Sa ilang mga lugar, namigay pa ng ayuda kapalit ng pirma… Mukhang pinili din ang mga pinapirma: iyong mga hindi na nagtanong o kaya ay nag-usisa. Sa pamamaraan pa lamang, mapapansin na ang panlilinlang, pagsasamantala at kawalan ng katarungan.” pahayag ng Diyosesis ng Gumaca.
Nanawagan naman ang diyosesis sa mga opisyal ng bayan partikular na sa mga kongresista na huwag gamitin ang naturang mga nakalap na pirma bilang batayan ng people’s initiative.
Mariing ding umapela sa bawat mamamayan ang mga lingkod ng Simbahan na iwasang lumagda sa anumang dokumentong hindi malinaw kung para saan sa halip ay maging mapanuri.
“Kaming mga pari at lider-layko ng Diyosesis ng Gumaca ay nananawagan sa mga opisyal ng ating bayan, lalo na sa ating mga kongresista, na huwag gamitin ang mga pirmang nakalap bilang batayan ng people’s initiative. Nananawagan din kami sa ating mga kababayan na iwasan ang pagpirma sa ano pa mang dokumentong hindi malinaw ang paglalaanan. Huwag po kayong mahiyang magtanong at mag-usisa; karapatan po ninyong maunawaan ang inyong pipirmahan.” Dagdag pa ng Diyosesis ng Gumaca.
Pinaalalahanan din ng diyosesis ang mga mamamayan na agad na ipagbigay alam sa Munting Sambayanang Kristiyano (MSK) kung may mga nagbibigay ng ayuda kapalit ang pangangalap ng pirma.
Giit ng diyosesis, dapat na tutulan ang anumang pagsusumikap ng mga politiko na isulong ang Charter Change sapagkat walang dapat na baguhin sa Saligang Batas ng Pilipinas dahil ang problema ay nasa sistema at kultura ng katiwalian ng mga opisyal ng bayan.
“Tutulan din po natin ang patuloy na pagsusumikap ng mga politiko para sa Charter Change. Wala po sa Saligang-Batas ang problema, kundi nasa sistma at kultura ng korupsiyon sa ating bayan.” Ayon pa sa diyosesis.
Kaugnay nito nagpalabas na din ng pahayag ang Senado hinggil sa mariing pagtutol sa People’s Initiative (PI) para sa Charter Change (Cha-cha) na naglalayong amyendahan ang 1987 Konstitusyon kung saan pinangangambahan ng mga Senador na maipasa ng pagbabago ng Konstitusyon at maisantabi ang kanilang 24 na boto kumpara sa mahigit 300 boto ng mga kongresista.