18,547 total views
Mahigpit na binalaan ng Diocese of Tagbilaran at Talibon sa Bohol ang mamamayan na huwag magpalinlang sa salapi kapalit ang kinabukasan ng bayan.
Ito ang mensahe nina Bishop Alberto Uy at Bishop Patrick Daniel Parcon kaugnay sa pangangalap ng lagda para sa People’s Initiative na isinusulong ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA).
Binigyang diin ng mga obsispo na pananagutan ng kasalukuyang henerasyon ang maging kinabukasan ng lipunan lalo na ang pagbalangkas ng mga batas na susundin ng mamamayan.
“Busa, kaming inyong mga obispo ug kaparian, nanawagan sa tanang Pilipinong matoohon: AYAW IBUGTI ANG IMONG PIRMA PINAAGI LAMANG SA SALAPI. Paninglan kita sa mga umaabot nga mga henerasyon kon kita magpalingla,” bahagi ng kanilang pahayag.
[Kaya, kaming inyong mga obispo at mga pari, nanawagan sa lahat ng mananamapalatayang Pilipino: Huwag ninyong ipagpalit ang inyong mga lagda sa salapi. Tayo ang sisisihin ng susunod na henerasyon kung tayo ay padadaya.]
Batid nina Bishops Uy at Parcon na may mga umiikot sa lalawigan lalo na sa mga parokya sa kanayunan na nagpapalagda.
Ayon pa sa dalawang obispo, nakababahala na ang isinusulong na People’s Initiative ay hindi dumaan sa wastong proseso gayundin ang usapin na paglalaan ng 20-milyong pisong pondo batay sa salaysay ni Senator Imee Marcos na inilalaan sa bawat distrito ng mga Kongresista para suhulan ang taumbayan kapalit ang paglagda sa P.I.
“Ang makapatingala mao nga walay gihimong konsultasyon ni bisan unsang pagpasabot sa katawhan kun unsa ang unod nianang ilang papirmahan,” ani ng mga obispo.
[Nakapagtataka na walang isinagawang konsultasyon o anumang pagpapaliwanag sa mga tao kung ano ang nilalaman ng kanilangpinapipirmahan.]
Sinabi ng dalawang lider ng simbahan na kaduda-duda ang pagsusulong ng People’s Initiative na maaaring sinusuportahan ng ilang bansa, negosyante o pulitiko na isinusulong ang pansariling interes sa halip na tutukan ang taumbayan.
Gayunpaman iginiit ng mga obispo na walang mali sa mga pagbabagong gagawin sa anumang batas sa bansa ngunit kinakailangang dumaan ito sa wastong proseso at may sapat na konsultasyon at pagpapaliwanag sa publiko.
Tinukoy ng mga lider ng simbahan ang nagpapatuloy na korapsyon, kawalang katarungan, hindi pagkakapantay-pantay, agawan ng teritoryo gayundin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na nararapat bigyang pansin ng mga opisyal ng bayan.
“Apan nasayod kita nga ang problema sa atong nasud dili ang atong balaod, kondili ang sayop o wala pagpatuman sa balaod…Kon walay pagbag-o sa kasingkasing sa tawo, walay charter change nga makasulbad sa atong nagpatongpatong nga problema,” saad ng dalawang obispo.
[Alam nating hindi batas ang suliranin ng ating bansa kundi ang mali at hindi maayos na pagpapatupad ng mga batas. Kung walang pagbabago sa puso ng mamamayan, walang charter change na makalulutas sa mga suliranin ng bansa.]
Una na ring naglabas ng manifesto ang senado bilang pagtutol sa isinusulong na People’s Initiative na layong palitan ang 1987 Constitution.