88,497 total views
Ang entrepreneurship ay isang paraan upang maka-alpas sa kahirapan. Sa pamamagitan nito, marami na sa ating mga kababayan ang nagkakaroon ng pagkakataon na kumita at mapa-ibayo pa ang kanilang kaalaman at kakayahan.
Tinatayang umaabot na sa mahigit pa sa 1.1 million ang mga business enterprises sa ating bayan. Base nga 2022 Philippine Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Statistics, 99.6% nito ay maliit o mga MSMEs, habang 0.41% lamang ang malalaki.
Ang entrepreneurship ay isa sa mga solusyon upang maabot natin ang mas mataas na antas ng kaunlaran. Ito’y nagsisilbing pundasyon ng pag-unlad at pagbabago. Sa Pilipinas, marami tayong modelo o inspirasyon sa pagnenegosyo, gaya nila Henry Sy, John Gokongwei, at Manny Pangilinan. Kapag ating sinuportahan ang pagnenegosyo, mas dadami ang tulad nila, at mas dadami din ang mga oportunidad para sa mamamayang Pilipino. Mapapaunlad natin ang ating mga sarili at ang bansa.
Isa sa mga mahalagang papel ng entrepreneurship ay ang paglikha ng trabaho. Sa pagtatayo ng sariling negosyo, nagiging tagapagbigay trabaho ang isang entrepreneur. Kapag mas maraming negosyo ang itinatag, mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng trabaho at makatulong sa kanilang pamilya.
Maliban sa paglikha ng trabaho, ang entrepreneurship ay nagbibigay daan sa paglikha ng mga bagong produkto at serbisyo. Nagbibigay ito ng mas maraming opsyon sa lipunan. Nagdadala ito ng masiglang kompetisyon, na nagtataguyod ng pag-unlad at pagpapabuti ng kalidad ng produkto at serbisyo. Sinusulong nito ang inobasyon.
Kinakailangan ng mga entrepreneurs sa ating bansa ang angkop na suporta mula sa pamahalaan at iba’t ibang sektor ng lipunan. Dapat magkaruon ng mga programa at pondo ang pamahalaan na naglalayong suportahan ang mga nagnanais magnegosyo. Ito’y maaaring sa pamamagitan ng pautang, training, at iba pang mga serbisyong makakatulong sa kanilang tagumpay.
Pangalawa, mahalaga ang edukasyon tungkol sa entrepreneurship. Ang mga paaralan at unibersidad ay dapat magkaroon ng mga kurso na nagtuturo ng mga kasanayan at kaalaman sa pagnenegosyo. Sa ganitong paraan, maaari nang mabuo ang entrepreneurial mindset sa mga kabataan, na magiging sandata nila sa pagharap sa mga hamon ng hinaharap.
Kinakailangan din ang pagbabago sa kaisipan ng lipunan tungkol sa pagnenegosyo. Dapat ituring nating mga bayani ang ating mga entrepreneurs. Tinataguyod nila hindi lamang ang kanilang negosyo, kundi pati ang ating bansa. Sabi nga ni Pope Francis sa mga steel workers sa Genoa Italy nung kanyang binisita ang mga ito: There is no good economy without a good entrepreneur, without the ability to create work. Napakahalaga ng papel ng entrepreneurs sa ating bayan. Kapag ating pinalakas at sinulong ang entrepreneurship, mas mapapabilis ang pag-angat ng Pilipinas.
Sumainyo ang Katotohanan.