123,319 total views
Ayon sa isang pag-aaral ng World Food Programme, isa sa sampung kabahayan sa Pilipinas ay food insecure. Malaking bilang ito, kapanalig, at karaniwan silang matatagpuan sa Bangsamoro Administrative Region in Muslim Mindanao (BARMM), Region 8, at Region 12, tatlo sa pinaka-mahirap na rehiyon sa ating bayan. Ang BARMM ay may food insecurity levels na mahigit pa sa 30%.
Ang gutom, kapanalig, ay hindi simpleng problema. Marami sa ating mga kababayan na dumaranas nito ay wala ng choice kundi umutang para lang may mahanda sa hapag-kainan. Ang gutom din ay nagtutulak sa ilan nating mga kababayan na kumapit sa patalim. Maraming dahilan kung bakit nararanasan ito sa bansa, at nararapat nating tutukan upang makahanap tayo ng solusyon.
Isa sa mga pangunahing sanhi ng food insecurity sa Pilipinas ay ang kahirapan. Maraming pamilya ang hindi kayang bumili ng sapat at masustansiyang pagkain dahil sa kawalan ng trabaho, mababang sahod, at limitadong oportunidad para sa kabuhayan. Ang kahirapan ay nagiging pangunahing hadlang sa pag-access ng mga tao sa sariwang pagkain at mabuting nutrisyon.
Ang pagbabago ng klima at kalamidad ay isa ring malaking factor sa food insecurity. Ang Pilipinas ay isang bansa na madalas tamaan ng mga bagyo, pag-ulan, at iba pang natural na kalamidad. Ito’y nagdudulot ng pagkasira ng mga taniman, pagguho ng lupa, at pagkasira ng imprastruktura na kadalasang nagreresulta sa kakulangan ng suplay ng pagkain.
Ang mabagal na pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas ay nagdudulot din ng food insecurity. Maraming magsasaka ang nahihirapan sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno. Marami ang walang modernong kagamitan, teknolohiya, at pondo para sa pagpapabuti ng kanilang taniman. Ang hindi sapat na suporta na ito ay nagreresulta sa mababang ani, mataas na presyo ng pagkain, at kakulangan sa kalidad ng agricultural products.
Upang labanan ang food insecurity sa Pilipinas, mahalaga ang pagtataguyod ng mas malakas na sektor ng agrikultura, kasama na ang modernisasyon at pagpapabuti ng teknolohiya. Dapat ding magkaroon ng mga programa at proyekto para sa mga magsasaka, partikular na sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad. Ang edukasyon tungkol sa wastong nutrisyon at ang kahalagahan ng malusog na pamumuhay ay dapat ding bigyang diin upang mapabuti ang kaalaman ng mamamayan sa pagpili ng tamang pagkain. Ang lokal at nasyonal na gobyerno ang siya dapat manguna dito.
Higit sa lahat, ang coordinated mula sa gobyerno, private sector, at komunidad ay kinakailangan upang mabigyan ng wastong solusyon ang problema ng food insecurity. Sa pamamagitan ng pagtutulungan, maaari nating mabawasan at eventually masugpo ang kawalan ng seguridad sa pagkain sa Pilipinas.
Ang Gaudium et Spes, mula sa Panlipunang Turo ng Simbahan, ay may panawagan sa atin: Feed the people dying of hunger, because if you do not feed them you are killing them. Mapukaw sana nito ang ating puso at isipan, upang ating maprayoridad ang pagtitiyak ng pagkain para sa lahat ng Filipino.
Sumainyo ang Katotohanan.