6,490 total views
4th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Sunday of the Word of God
National Bible Sunday
Deut 18:15-20 1 Cor 7:32-35 Mk 1:21-28
I-dineklara ni Papa Francisco na ang bawat ika-tatlong Linggo ng Enero ay ang Sunday of the Word of God sa buong mundo. Pero dahil sa ang ikatlong Linggo ng Enero ay Kapistahan ng Santo Nino dito sa Pilipinas, ginagawa natin ang Sunday of the Word of God sa ika-apat na Linggo, na dito sa Pilipinas naman ay National Bible Sunday. Kaya magkatugma na ngayong Linggo ay Linggo ng Salita ng Diyos at Pambansang Linggo ng Bibliya.
Mahalaga ang Salita ng Diyos. Ang lahat ay nilikha sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Nagsalita ang Diyos, ang nagkaroon. Si Jesus ay naparito upang ipahayag ang Salita ng Diyos na siyang Magandang Balita ng ating kaligtasan. Si Jesus mismo ay ang Salita ng Diyos na nagkatawang tao. Sinabi ni Jesus na kung mahal natin siya, sinusunod natin ang kanyang Salita.
Ang Diyos ay nagsasalita sa maraming paraan – sa kalikasan, sa mga taong pinapadala niya, sa ating konsensya, sa ating karanasan, kung tayo ay nagdarasal, at may iba pang paraan. Ngunit ang isang katangi-tanging paraan na natatagpuan natin ang Salita ng Diyos ay sa Bibliya. Binabasa, pinapakinggan natin at pinag-aaralan ang Bibliya kasi dito matatagpuan natin ang Salita ng Diyos. Iba ang Bibliya sa ibang mga aklat. Mayroong maraming magagandang aklat pero ang Bibliya ay talagang maaasahan natin kasi ito ay galing sa Diyos. Sinulat ito ng mga tao na kinasihan ng Espiritu Santo. Ito ay sinulat ni Pablo, ni Lukas, ni Isaias, ni Baruk at ng marami pang mga tao na ginamit ng Diyos. Ang nakasulat dito ay ang salita nila at ang salita ng Diyos. Kaya nga ito ay 100% human at 100% divine. Kaya hinihikayat tayong pag-aralan at panampalatayaan ito upang ito ay maunawaan. Pag-aralan – tulad ng pinag-aaralan natin ang mga sinulat ng mga dakilang authors tulad ni Balagtas at ni Dr. Jose Rizal. Panampalatayaan – kasi ito ay galing sa Diyos at pinaniniwalaan natin ang sinasabi niya. Ang layunin ng Bible ay walang iba kundi ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesukristo.
Noong nagsalita ang Diyos sa mga Israelita doon sa bundok ng Horeb – nagulat at natakot sila. Makapangyarihan ang salita ng Diyos. Sinamahan ito ng kulog, kidlat at apoy. Nasindak ang mga tao kaya sinabi nila kay Moises na pakiusapan ang Diyos na huwag nang direktang magsalita sa kanila. Magpadala na lang ng iba na magsalita sa kanila. Ganoon nga ang pangako ng Diyos. Magpapadala siya ng isang propeta na tulad ni Moises na magsasalita sa kanila at magpaliwanag ng dapat nilang gawin. Matagal na inabangan ng mga tao ang propetang ito na tulad ni Moises. Marami na ring pinadala na mga propeta. Magagaling sila pero hindi tulad ni Moises.
Noong dumating si Jesus natagpuan ng mga tao ang katuparan ng pangakong propeta na tulad ni Moises. Hindi lang nga. Mas magaling at mas makapangyarihan pa kaysa kay Moises. Iyan ay si Jesus.
Narinig natin sa ating ebanghelyo na hangang-hanga ang mga tao kay Jesus. Nagtuturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga eskriba o mga guro nila. Maaaring ang kapangyarihan niya ay galing sa lawak at lalim ng kanyang itinuturo. May dating ang kanyang sinasabi kasi ito ay galing sa kanyang karanasan at malalim na pagkakilala sa Diyos. Mas lalong humanga sila at nanggilalas pa nga noong sa pamamagitan ng kanyang salita pinalayas niya ang demonyo at pinagaling ang isang tao. Talagang makapangyarihan ang kanyang salita. Pati na ang demonyo ay napag-uutusan niya. Talagang si Jesus na ang nagmana ng galing at kapangyarihan ng Salita ng Diyos na unang naranasan ng mga tao kay Moises.
Ang mga salita at gawa ni Jesus ay siyang nababasa natin sa Bibliya. Si Jesus nga ang susi at sentro ng buong Bibliya. Kaya kung tatanggapin natin ang Salita ng Diyos, tinatanggap natin si Jesus. Sinabi niya na siya ay ang daan, ang buhay at ang katotohanan. Siya ang daan patungo sa katotohanan na nagdadala ng buhay. Ano ang gagawin natin upang matahak natin ang landas na ito, ang daan na si Jesus?
Una po, basahin natin ng palagi ang bibliya, lalo na ang mga ebanghelyo na naglalaman ng mga gawa at aral ni Jesus. Basahin natin ito na nagdarasal. Sa totoo lang, kapag binabasa natin ang Bibliya ng nagsisikap na ito ay maintindihan, tayo ay nagdarasal na. Nakikinig na tayo sa sasabihin ng Diyos. Kung tayo ay may pagkakataon, pag-aralan natin ang Bibliya. Marami na ngayong mga libro at mga on-line na mga materials na nagpapaliwanag ng Bibliya o ng mga bahagi ng bibliya na mahirap maintindihan. Naging mahirap unawain ang Bible kasi sinulat ito ng matagal na – ilang libong taon na, sa ibang lenguahe, at sa kultura na kakaiba kaysa atin. Naging mahirap din kasi hindi tayo familiar sa mga pananalita na ginagamit dito at sa mga kwento na makikita doon. Kaya sa matiyagang pagsisikap at sa palagiang pagbabasa masasanay na rin tayo sa lenguahe ng Bible at madadalian na rin tayong unawain ito.
Hindi sana tayo magkulang sa pagsisikap na maintindihan ang Bible. Ayaw ba natin na maintindihan ang Diyos? Siya ang nagbibigay ng liwanag sa atin. Ang kanyang salita ang nagpapasigla sa ating buhay. Makakaiwas tayo sa maraming gulo kung sinusunod natin ang Salita ng Diyos.
Magkakaroon po tayo ng second collection ngayon araw para po sa pagsuporta ng mga programa na magpapalalim sa pag-unawa ng Bibliya. Sa ibang mga lugar, wala pa ngang Bibles ang mga tao. Kailangan din mabigyan siya ng Bible. Kailangan din natin suportahan ang mga nagbibigay ng bible study o ng katesismo, kasi ang tinuturo sa katesismo ay walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Sa ating pagko-contribute, at least sa material na bagay, nakakatulong din tayo na palaganapin ang Salita ng Diyos.