20,628 total views
Tiniyak ng Archdiocese of Manila ang pagpapalakas sa tungkulin ng Pope Pius XII Catholic Center sa mga gawaing pagmimisyon ng simbahan.
Ito ang pahayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pagkilalang ‘Important Cultural Property’ ang Pope Pius Center ng National Museum of the Philippines.
Sinabi ng arsobispo na sa ikaanim na dekada ng institusyon mula ng itatag ni dating Manila Archbishop Rufino Cardinal Santos noong August 26, 1964 ay mas palalawakin ang paglilingkod sa pamayanang kristiyano.
“We would like to pursue its original vision and even intensify its core purpose as an evangelization center. We intend to fully utilize its facilities and programs in the service of a synodal church in mission,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula.
Batid ng cardinal na isinasabuhay ng Pope Pius Center ang simbahang sinodal gayong hindi lamang mga katoliko ang gumagamit sa mga pasilidad nito kundi maging ang ibang denominasyon na nagsasagawa ng mga pagtitipon.
Inaanyayahan ni Cardinal Advincula ang mga parokya, diyosesis at mga organisasyon na bisitahin ang institusyon upang mapakinabangan hindi lamang ang mga pasilidad kundi maging ang formation programs na nagsusulong ng new evangelizations.
“We would like to invite everyone to join us in our dream to make Pius XII Catholic Center a home and hub for synodality and solidarity for walking together and growing in faith together,” ani Cardinal Advincula.
Pinasalamatan ng pamunuan ng institusyon sa pangangasiwa ni General Manager Ma. Luisa Campana ang National Museum of the Philippines sa pagkilalang magpapahalaga sa gusaling naghuhubog sa moralidad at pananampalataya ng mamamayan.
Tiniyak nitong pahalagahan at pagyamanin ang pagkilalang tinanggap.
“Pius XII Catholic Center is not only a place for evangelization, it is also a cultural heritage site to marvel at,” ani Campana.
Ginanap ang unveiling ng marker bilang Important Cultural Property nitong January 27, 2024 bago magsimula ang 127th plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Bukod kay Cardinal Advincula at mga kawani ng Pope Pius XII Catholic Center dumalo rin sa pagtitipon si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, mahigit 80 obispo sa pangunguna ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, mga kinatawan ng National Museum of the Philippines na pinangunahan ni Director Jeremy Barns, board of trustee ng institusyon at mga opisyal ng Archdiocese of Manila.