26,709 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa paggunita ng ika-9 na anibersaryo ng madugong Mamasapano encounter kung saan nasawi ang 44 na PNP-Special Action Force troopers na tinaguriang SAF 44.
Ayon kay Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang naganap na Mamasapano encounter ang nananatiling pinakamadugong paalala sa nagpapatuloy na armadong sagupaan sa bansa.
Pagbabahagi ng Obispo, kaisa ng mga naiwang kaanak ng SAF 44 ang Simbahang Katolika sa patuloy na pananawagan ng katarungan at pagpapanagot sa kung sino ang may kasalanan sa pagkasawi ng 44 na PNP-SAF troopers sa gitna ng operasyon.
“The Mamasapano clash remains a stark reminder of the devastating human cost of armed conflict… We stand in solidarity with the families who continue to grieve their loved ones and demand accountability for their sacrifice.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Paliwanag ng Obispo, mahalagang tugunan ang ugat ng armadong sagupaan sa bansa upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari at insidente ng karahasan.
Partikular na tinukoy ni Bishop Bagaforo ang pagtugon sa kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay at kawalang katarungan na nagaganap sa lipunan.
“We call for decisive action to address the root causes of these conflicts, including poverty, inequality, and historical injustices,” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Tema ng 2024 Day of National Remembrance for the Heroic Sacrifice of SAF 44 ang ‘Valiant Men with Unparalleled Devotion to God, Country, and People: A Blessing to a Victorious Nation’.
Ginugunita ngayong taon ang ika-9 na anibersaryo ng madugong Mamasapano encounter kung saan idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng Proclamation No. 164 ang ika-25 ng Enero bilang National Day of Remembrance bilang pagkilala sa kabayanihan ng SAF 44.