20,322 total views
Itinalaga ng Santo Papa Francisco si Dominican priest Fr. Napoleon Sipalay bilang pinunong pastol ng Diocese of Alaminos sa Pangasinan.
Si Bishop-elect Sipalay ang hahalili kay Bishop Ricardo Baccay na itinalagang arsobispo ng Tuguegarao noong October 2019.
Makalipas ang apat na taong sede vacante magkakaroon ng punong pastol ang mahigit kalahating milyong katoliko ng diyosesis.
Si Bishop-elect Sipalay ay kasalukuyang Vice Rector ng Pontifical and Royal University of Santo Tomas mula noong 2021.
Taong 1991 ang unang profession ni Bishop-elect Sipalay sa Dominican Order at nagtapos ng philospohy sa Philippine Dominican Center of Institutional Studies taong 1992.
1997 nang maordinahang pari ang bagong obispo ng Alaminos at bago maging misyonero ng Sri Lanka naging Assistant Master of Students and Novice Master.
Sa halos isang dekadang pagmimisyon sa Sri Lanka pinamunuan nito ang iba’t ibang posisyon kabilang na ang pagtuturo sa National Seminary of Our Lady of Lanka habang 2009 hanggang 2015 naging secretary ng Committee for Religious Formation of the Conference of Major Superiors of Sri Lanka.
Si Bishop-elect Sipalay ang ikatlong Dominikanong Pilipino na naging obispo kasunod nina Caceres Archbishop Emeritus Leonardo Legazpi at ang dating Auxiliary Bishop ng Lipa na si Bishop Jose Salazar.
Sa loob ng apat na taong sede vacante pansamantalang pinangasiwaan ni Lingayen Dagupan Auxiliary Bishop Fidelis Layog ang Alaminos.
Sa kasalukuyan nasa walong diyosesis pa ang sede vacante ang mga Diocese ng Baguio, Balanga, Catarman, Gumaca, Ipil, Pagadian, San Pablo at Tarlac.