20,456 total views
Lubos ang pasasalamat ng Diocese of Antipolo sa Panginoon sa mga biyayang ipinagkaloob sa lokal na simbahan.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos isang karangalan ng diyosesis ang pagtalaga ng Santo Papa Francisco sa St. John the Baptist Parish sa Taytay, Rizal bilang Minor Basilica na kauna-unahan sa diyosesis at sa buong lalawigan ng Rizal.
Sinabi ng obispo na ito ay handog ng diyosesis sa buong simbahang katolika bilang patunay sa lumalagong pananampalataya ng mamamayan.
“We express our gratitude to God for this amazing grace and proclaim His goodness, faithfulness, and love. It is now our gift to give to the Universal Church.” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Nagagalak si Bishop Santos na kasunod ng solemn declaration sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral ang pagdeklara sa ika – 23 Minor Basilica ng bansa na kauna-unahan sa lalawigan gayundin ito ang natatanging stone-church na itinatag noong 1579 sa labas ng Intramuros ang ginawaran ng pagkilala.
“We give our gratitude to His Holiness and we glorify our almighty God for raising our Parish Church as a Minor Basilica. We acknowledge our responsibility that this Minor Basilica will always be a channel of God’s overflowing graces, a working instrument of charity to our people, and a welcoming home as we go on our Synodality.” ani Bishop Santos.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Fr. Pedrito Noel Rabonza, II ang parokya katuwang sina Fr. France Edward Baasis at Fr. Aladin Alisbo, Jr.
Unang tiniyak ni Bishop Santos sa pag-upong punong pastol sa mahigit tatlong milyong katoliko ang pagpapaigting sa misyon at gawain ng simbahan na makatutulong sa paghubog ng pananampalataya ng nasasakupang kawan.
Ang diyosesis ay binubuo ng buong lalawigan ng Rizal kasama ang Marikina City kung saan katuwang ni Bishop Santos sa pangangasiwa si Auxiliary Bishop Nolly Buco gayundin ang paggabay nina Bishops Emeritus Francisco De Leon at Gabriel Reyes.