19,893 total views
Umaasa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na mas mapagtibay ang pananampalataya ng mamamayan lalo na ang milyong deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ito ang mensahe ng cardinal sa opisyal na pagdeklarang National Shrine ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church.
Sinabi ng arsobispo na sa tulong ng sama-samang pananalangin sa Diyos ay higit na maipakilala si Hesus sa bawat isang dumudulog sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno.
“Mga deboto ipagdasal natin na bumuhos ang mga biyayang ito sa lahat ng nagdi-debosyon dito sa pambansang dambana ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, ang paglapit kay Hesus, pananalig kay Hesus at pagkakaisa kay Hesus,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Binigyang diin ng cardinal na sa bawat pagkakataon ay kasama ng tao ang Poong Hesus Nazareno sa paglalakbay anumang katayuan at karanasan ang pinagdadaanan.
Hamon naman ni Basilica at Shrine Rector Fr. Rufino Sescon, Jr. sa mga deboto at Hijos del Nazareno na patuloy ipakita si Hesus sa pamayanan at isabuhay ang diwa ng pagkakaisa tuwing Traslacion na maging pwersa ng awa, pagmamahal, kapayapaan, katarungan, pagkakaisa at kabutihan.
“Ang tunay na deboto misyonero. Let this shrine not just be a place of welcome for devotees but a place to send missionary disciples of Jesus,” ani Fr. Sescon.
Iginiit ng pari na bago pa man ang deklarasyong pambansang dambana ay nagsisilbi ng shrine ang simbahan halos 300 taon na ang nakalipas nang mailagak sa Quiapo Church ang imahe ng Poong Jesus Nazareno.
Samantala sinabi naman ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi kataka-taka na maging international shrine ang Quiapo Church dahil sa malawak na debosyon sa Poong Jesus Nazareno hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
January 29, 2024 nang pangunahan ni Cardinal Advincula ang pormal na deklarasyon sa ika – 29 National Shrine sa bansa na sinaksihan ng humigit kumulang 70 mga obispo sa bansa kabilang na si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Ang pista ng Quiapo ang isa sa pinakamalaking pagdiriwang sa Pilipinas kung saan ngayong taon naitala ang anim na milyong deboto ang lumahok sa Nazareno 2024.