91,875 total views
Mga Kapanalig, ang pagiging bahagi ng gobyerno ay isang bokasyon ng paglilingkod.
Sa mga panlipunang turo ng Santa Iglesia, maliwanag na ang tinatawag na political authority (o ang kapangyarihang tangan ng mga namamahala) ay dapat gamitin sa paglilingkod sa taumbayan sa pamamagitan ng pagtitiyak sa kabutihang panlahat o common good. Ang Catholic social teaching na Rerum Novarum ay nagpapaalalang ang estado ay may tungkuling ipagtanggol ang interes ng mga pinamamahalaan nilang hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Sa pagganap sa tungkuling ito, binibigyan ang ating mga lider ng mga kailangan nila. May opisina at mga gamit sila. May mga tauhan o staff silang katuwang sa araw-araw. Ang iba, may kasama pang security para maging ligtas sila. May mga sasakyan sila para marating ang mga dapat nilang puntahan.
Ngunit ang mga ito ay dapat gamitin para lamang sa kanilang opisyal na trabaho. Gamitin nating halimbawa ang mga sasakyan. Sa Administrative Order No. 239 na inilabas noong administrayon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ipinagbabawal ang paggamit ng mga sasakyang pag-aari ng gobyerno para sa mga gawaing hindi official business. Sa madaling salita, hindi pwedeng gamitin ng mga opisyal ng gobyerno ang sasakyang itinalaga sa kanila para sa mga personal na biyahe. Binibigyang-diin sa naturang kautusan na “public office is a public trust” at kaakibat ng prinsipyong ito ang responsableng pangangasiwa at paggamit ng mga gamit ng gobyerno.
Nakalimutan yata ito ni Pangulong BBM.
Kamakailan, inulan ng batikos ang presidente matapos pumunta sa isang concert gamit ang presidential chopper. Malinaw namang hindi official business ang pagpunta sa concert, tama po ba? Paliwanag ng Presidential Security Group (o PSG), nagpasya silang ipagamit ang chopper dahil sa “unforeseen traffic complications.” Matinding pagsisikip ng trapiko ang kanilang inaasahan dahil sa pagdagsa sa venue ng 40,000 na katao. Banta raw sa seguridad ng ating pangulo kung pupunta siya sa concert nang hindi gagamit ng presidential chopper.
Tama nga naman ang PSG tungkol sa trapik. Kahit ang bokalista ng bandang nag-concert ay pinuna ang trapiko sa Kamaynilaan, at pinasalamatan ang mga dumating sa kabila ng kalbaryong iyon. Sinabi niya iyon habang nasa audience ang presidente at ang kanyang pamilyang gumamit ng presidential chopper para makaiwas sa trapik. Ano kaya ang naramdaman ng presidente? Sigurado, mas nainsulto ang ibang nanood ng concert na sinuong ang matinding trapik sa lansangan—hindi sa sinabi ng bokalista kundi sa ginawa ng presidente. Sabi nga ng iba, “sana all” nakakapunta ng concert nang naka-helicopter na ginagastusan ng buwis ng taumbayan.
Ang paggamit ng sasakyan ng gobyerno para sa personal na gawain ay hindi na bago. Hindi lang din ang presidente ang gumagawa nito. Naaalala ba ninyo noong pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte si PBBM dahil ipinahiram sa kanya ang presidential chopper para makauwi sa kanila sa Davao upang patulugin ang kanyang mga anak? (Nilinaw na iyon ng Philippine Air Force. Imposible raw na araw-araw pumupunta sa Davao at bumabalik sa Maynila ang bise presidente.) Ngunit kung nagagawa ng mga nakatataas sa gobyerno na gamitin ang gamit ng taumbayan para sa personal na biyahe, hindi na tayo magtataka kung marami ring ganito sa iba pang opisina ng gobyerno.
Mga Kapanalig, hindi pribiliheyo ang dapat na hinahanap ng mga taong nagsisilbi sa taumbayan. May suweldo silang natatanggap—at maaaring may iba pang pinagkakakitaan—upang makabili sila ng sariling sasakyan. Hindi natin sinasabing hindi na sila dapat magkaroon ng oras para sa kanilang sarili—katulad ng panonood ng concert. Isaisip lang sana nilang may limitasyon ang kapangyarihan nila at idinidikta iyon ng sinumpaang tungkulin nila na unahin ang taumbayan. Sabi nga sa Lucas 22:26, “ang namumuno ay [dapat] maging tagapaglingkod.”
Sumainyo ang katotohanan.