31,793 total views
Inihayag ni EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero na mayroong malaking ambag sa ekonomiya ng bansa ang pangongolekta at pag-re-recycle ng electronic waste o e-waste.
Ayon kay Lucero, malaki ang maitutulong ng pag-re-resiklo sa mga basura hindi lamang sa kalikasan, kun’di maging sa ekonomiya dahil ang mga bagong produktong malilikha rito ay maaaring pagmulan ng pagkakakitaan at hanapbuhay sa mga pamayanan.
Ginawa ni Lucero ang pahayag sa ginanap na 2024 Waste and Water o W2 Summit na inorganisa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa SMX Convention Center sa Pasay City.
“Our e-waste has economic value. If we are able to increase our recycling rates, the 83% of our e-waste which are left uncollected may be reintegrated into our production stream and provide additional employment within communities,” pahayag ni Lucero.
Tema ng W2 Summit ang ‘Sustainable Waste and Water Solutions for a Sustainable Future’ na naglalayong paigtingin ang pagtutulungan sa pagitan ng mga lokal at ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang mga usapin at suliranin hinggil sa pamamahala sa basura at tubig sa bansa.
Kasabay ng pagtitipon ang paggunita sa anibersaryo ng paglagda sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, na nagbigay ng pagkakataon upang mapagtuunan ang pagtugon at pamamahala sa mga disaster waste at tumataas na porsyento ng pag-re-recycle sa e-waste.
Batay sa ulat, umaabot sa 61-libong metriko toneladang basura ang nalilikha sa bansa araw-araw, kung saan 20-porsyento rito ay nagmumula sa National Capital Region, at nag-aambag sa 20 hanggang 22 milyong metriko toneladang solid waste kada taon.
Nakasaad sa Laudato Si’ ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng pamayanan upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa at batas na nangangalaga sa kalikasan.