10,122 total views
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo
Malakias 3, 1-4
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.
D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.
Hebreo 2, 14-18
Lucas 2, 22-40
o kaya Lucas 2, 22-32
Feast of the Presentation of the Lord (White)
World Day for Consecrated and Religious Life
UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipapahayag ang aking tipan.”
Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayun, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang dakilang haring ito ay sino ba?
Siya ang Poon, dakilang talaga;
Saanmang labanan tagumpay ay kanya.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang dakilang hari’y sino bang talaga?
Makapangyarihang Diyos at hari siya!
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 14-18
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Hesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa gayun, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi “Ang lahi ni Abraham.” Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao. Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 2, 32
Aleluya! Aleluya!
Para sa lahat ng bansa
liwanag na nagmumula
sa bayan mong dinakila!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa Kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 2, 22-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Pebrero 2
Ang Pagdadala kay Jesus sa Templo
Nagniningning si Kristo bilang liwanag ng kaligtasan sa lahat ng bansa at kaluwalhatian ng kanyang bayan. Ilapit natin ang ating mga panalangin sa Ama na nag-alay ng kayang bugtong na Anak para sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, masinagan nawa kami ng Iyong liwanag.
Ang simbahan sa buong mundo nawa’y ipakita ang tunay na mukha ni Kristo at maging tanda ng kaligtasan sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maykapangyarihan nawa’y maglingkod sa lipunan nang may pag-aalay ng sarili, magkaroon ng tapang na magpahayag at kumilos sa ngalan ng katotohanan at katarungan, at maging saksi sa pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mabigyan ng sigla ng pagiging masunurin ng Birheng Maria at ni San Jose sa laging pagtupad sa mga kautusan ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng kanilang mga sariling halimbawa, mahikayat ng mga ama at ina ang kanilang mga anak sa pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong mahal natin sa buhay nawa’y humayo sa kapayapaan ng Diyos at magdiwang nang walang katapusan sa piling ni Maria at ng lahat ng mga santo, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, nasa kadiliman kami kung wala ka. Magningning nawa sa amin ang iyong liwanag upang sa aming sariling paraan, kami’y maging mga salamin ng iyong liwanag. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.