8,515 total views
Huwebes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Josefina Bakhita, dalaga
o kaya Paggunuta kay San Jeronimo Emiliano
1 Hari 11, 4-13
Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Marcos 7, 24-30
Thursday of the Fifth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Josephine Bakhita, Virgin (White)
or Optional Memorial of St. Jerome Emiliani, Layman (White)
UNANG PAGBASA
1 Hari 11, 4-13
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng kanyang mga asawang taga-ibang bansa na sumamba sa kanilang mga diyus-diyusan. Hindi siya nanatiling tapat sa Panginoon; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. Sumamba siya kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Nicom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ginawa nga ni Solomon ang ipinagbabawal ng Panginoon, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na naglingkod nang buong katapatan sa Panginoon. Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo siya ng mga sambahan: para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyus-diyusan ng Moab, at para kay Moloc, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga dambana ang mga diyus-diyusan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito’y nagsuob doon ng kamanyang at naghain ng mga handog.
Nagalit ang Panginoon kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na napakita sa kanya ang Panginoon at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyusan. Ngunit hindi niya pinansin ang Panginoon. Kaya nga’t sinabi nito sa kanya: “Dahil sa hindi mo paggalang sa aking tipan at hindi mo pagsunod sa aking mga tagubilin, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang alipin mo. Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon mo, kundi sa panahon ng iyong anak. Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, alang-alang sa Jerusalem, ang lungsod na aking hinirang.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Dapat na magalak ang sinumang tao na makatarungan
na gawang matuwid ang siyang adhika sa buo n’yang buhay.
Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo’y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, isama mo sana ang lingkod mong aba.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
Ang diyus-diyusan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Pati anak nilang babai’t lalaki’y inihaing lubos,
sa diyus-diyusan, mga batang ito ay dinalang handog.
Itong Panginoo’y nagpuyos ang galit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
ALELUYA
Santiago 1, 21bk
Aleluya! Aleluya!
Sa kababaan ng loob
dinggin ang salita ng D’yos
upang kayo ay matubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagtungo si Hesus sa lupain ng Tiro at tumuloy sa isang bahay doon. Ayaw sana niyang malaman na naroon siya, subalit hindi gayun ang nangyari. Ang pagdating niya’y nabalitaan ng isang inang may maliit na anak na babaing inaalihan ng masamang espiritu. Pumunta siya agad kay Hesus at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito’y Hentil – tubo sa Sirofenica. Ipinamanhik niya kay Hesus na palayasin ang demonyo na nasa kanyang anak, ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang busugin muna ang mga anak. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta mang nasa ilalim ng hapag ay naninimot ng mga mumong nalalaglag ng mga anak. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” Umuwi ang babae, at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ng demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Binuwag ni Jesu-Kristo ang pader na naghihiwalay sa mga Judio at Hentil. Bilang isang sambayanan ng iisa, bago at walang hanggang Tipan, manalangin tayo sa Amang nagbubuklod sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng lahat ng bansa, pakinggan Mo kami.
Ang Simbahan sa buong daigdig nawa’y maging daluyan ng awa, kapayapaan, at pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang komunidad ng mananampalataya nawa’y hindi tayo magkahati-hati dahil lamang sa mga simple o walang kuwentang dahilan ng away at hindi pagkakaunawaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga inang nagiging balisa at nag-aalala tungkol sa kalusugan ng kanilang mga anak nawa’y huwag makalimot na tumawag kay Jesus para sa tulong at ginhawang kinakailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga naghihingalo nawa’y makatagpo ng kagihawahan sa Diyos ng pag-ibig at awa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na sa buhay na ito nawa’y magbunying walang hanggan sa tahanan ng Diyos Ama sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, aming kanlungan at lakas, nais mo na kami ay maging iisang sambayanan. Maging bukas nawa ang aming kalooban sa pangangailangan ng iba at huwag silang ihiwalay mula sa aming pagsasamahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.