25,286 total views
Hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mananampalatayang Pilipino na higit na ipanalangin ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng kanilang tungkuling maglingkod para sa kapakanan ng bayan.
Ito ang mensahe ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio kaugnay sa namumuong tensyon sa pagitan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, mahalagang ipanalangin ang kaliwanagan ng puso at isip ng mga opisyal ng pamahalaan upang magkaroon ng naaangkop na desisyon at aksyon para sa kabutihan ng bayan.
Pagbabahagi ni Bishop Florencio, may direktang epekto sa buhay ng taumbayan ang mga gagawing desisyon ng mga opisyal ng pamahalaan kaya naman mahalagang ipanalangin ang tuwinang paggabay ng Banal na Espiritu sa mga halal na lingkod bayan.
“True leaders are supposedly discerning kong ano ang dapat gagawin nila. Kasi kong anuman ang kanilang gawin at sabihin will always have some repercussions para sa mga constituents. Ipagdasal natin sila at huwag tayo magpadala. As a people and community meron pa rin tayong magagawa. Listen to the promptings of the Holy Spirit.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, mahalagang maging alerto at mapagbantay ang bawat isa sa mga hakbang ng pamahalaan na dapat ay tuwinang para sa kabutihan at kapakanan ng bayan at ng taumbayan.
“Ang dapat manaig sa atin ay ang ‘good for the nation and its people.’” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Magugunitang sa naganap na prayer rally sa Davao City noong Linggo, ika-28 ng Enero, 2024 ay tinuligsa ni dating Pangulong Duterte ang People’s Initiative kung saan muli din nitong inakusahan ang pamilya Marcos sa pagtatangkang palawigin ang kanilang kapangyarihan at idawit pa ang pangalan ni Pangulong Marcos Jr. sa umano’y pagkakasama ng sa drug watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency na una na ring pinabulaanan ng naturang ahensya.
Una ng binigyang diin ng Santo Papa Francisco na ang pulitika ang isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa dahil sa dapat na pagtutok ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagsusulong ng common good o ang makabubuti sa mas nakararami.