22,322 total views
Inaanyayahan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang religious mandated organizations, prolife groups at iba pang grupo na makiisa sa isasagawang Walk for Life ngayong taon.
Ayon kay Laiko President Xavier Padilla,mahalagang magbuklod ang mananampalataya upang patuloy na isulong ang pangangalaga sa karapatang pantao kabilang ang pagtataguyod sa buhay ng bawat isa.
“We would like to invite your Institution/Organizations to participate actively in upholding, promoting, and defending the sacredness of life and the dignity of every person…These composite teams from your groups will be a huge support and create an impact as we celebrate life,” bahagi ng pahayag ni Padilla.
Gaganapin ang Walk for Life 2024 sa February 17, mula ikaapat ng madaling araw hanggang ikawalo ng umaga sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas kung saan tema ngayong taon ang ‘Together, We Walk for Life.’
Magsisimula ang pagtitipon sa Welcome Rotonda sa Quezon City at sama-samang maglalakad ang mga dadalo patungong UST Grounds.
Pangungunahan naman ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na misa sa alas 6:30 ng umaga bilang tampok na gawain sa Walk for Life.
Sinimulan ang Walk for Life noong 2017 na layong itaguyod ang kasagraduhan at kahalagahan ng buhay at labanan ang tinaguriang DEATH Bills kabilang ang death penalty, abortion, same sex marriage, at euthanasia.
Sa mga nais lumahok sa pagtitipon makipag-ugnayan kay Joseph Jesalva o Catherine Buenconsejo sa Laiko Secretariat sa telepono bilang 8251-9657, 0967-4025652 at 0908-2496512 o mag-email sa [email protected].