68,851 total views
Tutol ang obispo mula sa Mindanao sa panukalang ihiwalay ang Mindanao bilang bahagi ng Republika ng Pilipinas.
Ayon kay Ozamis Archbishop Martin Jumoad, kinakailangang pangalagaan ang pagkakaisa ng bansa at hindi paglikha ng pagkakakahati-hati.
‘We have to preserve our unity. No to disintegration of our land,” ayon sa ipinadalang mensahe ng arsobispo sa Radio Veritas.
Hiling naman ng arsobispo, ang paglalaan ng pamahalaan ng mas malaking pondo sa Mindanao para sa kaunlaran ng rehiyon.
Iginiit ni Archbishop Jumoad na naglalaan lamang ng karagdagang badget kapag may nagaganap na digmaan at pinsala.
“Sometimes, we act only if blood is shed to wake us up and give in to the request. Let’s not wait for that. I am for the preservation of our land of our Country the Philippines,” ayon pa kay Archbishop Jumoad.
Unang umalma si Camiguin Representative Jurdin Jesus Romualdo sa isinusulong na panukala ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at Rep. Pantaleon Alvarez na ihiwalay ang Mindanao.
Ayon kay Romualdo, ang hakbang ng dating pangulo at ni Alvarez ay paglabag sa 1987 Constitution na may kaakibat na kaso ng ‘sedition’.
Sinasaad sa batas ang pagtatanggol sa soberenya at teriyoryo ng Pilipinas, at nagbabawal sa anumang anyo ng paghahati.
Sinabi pa ni Romualdo na ‘self-serving’ ang intensyon nina Duterte at Alvarez ay isa lamang palabas at panggugulo.
Nangangamba rin ang mambabatas at mga taga-Mindanao sa maaring epekto ng hakbang sa pambansang katatagan at pagkakaisa at maka-apekto sa soberanya, pagkakaisa, at umiiral na batas sa Pilipinas.