28,025 total views
Pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagdiriwang ng Banal na Misa para sa Walk for Life 2024 sa ika-17 ng Pebrero, 2024.
Ito ang ibinahagi ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas Executive Vice President Bro. Albert Loteyro, O.P. na siyang chairman ng Walk for Life 2024 na muling isasagawa sa pangalawang pagkakataon sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas (UST).
Inaanyayahan ni Loteyro ang lahat na makibahagi sa muling paninindigan at paglalakad para sa buhay na magsisimula ganap na alas-kwatro ng madaling araw sa Welcome Rotonda, Quezon City patungo sa University of Santo Tomas (UST) grandstand sa España, Manila kung saan magkakaroon ng maikling programa bago ang Banal na Misa.
“Kami po ay nag-iimbita sa inyo na sumali sa Walk for Life 2024 dito sa UST at magsisimula sa alas-kwatro ng umaga ang venue ay sa Welcome Rotunda patungo sa UST Grandstand at pagdating sa UST Grandstand mayroon tayong konting programa at magtatapos ang ating programa sa isang misa na pangungunahan ni Cardinal Advincula. So sana lahat tayo ay sumuporta sa mahalagang buhay, sacredness of life, let’s all together walk for life.” Bahagi ng pahayag ni Loteyro sa Radio Veritas.
Tema ng Walk for Life 2024 ngayong taon ang “Together, We Walk for Life” na naglalayong patuloy na panindigan, isulong at ipagtanggol ang buhay ng bawat nilalang.
Ayon kay Loteyro, hindi mababago ang adbokasiya at misyon ng Sangguniang Layko ng Pilipinas bilang implementing arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na ipahayag ang mariing paninindigan para sa kasagraduhan ng buhay na hindi lamang nakatuon sa usapin ng extrajudicial killings kundi sa iba pang usapin na malaking banta sa buhay ng tao at maging ng kalikasan.
“Pinagpapatuloy namin itong programa from the start of Walk for Life 2017 up to this year dahil kami ay naniniwala yung pagpapahalaga ng buhay, so ito po palagi ang adbokasiya namin ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na we value the sacredness of life, to promote and defend life, kaya ito po pinagpapatuloy namin na ipinapahayag namin ang pagpapahalaga ng buhay.” Dagdag pa ni Loteyro.
Bukod kay Cardinal Advincula, inaasahan rin ang pakikibahagi sa nakatakdang Walk for Life 2024 nina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David; CBCP-Episcopal Commission on the Laity Chairman, Dipolog Bishop Severo Caermare; at Novaliches Bishop-emeritus Antonio Tobias.
Ang taunang Walk for Life ay unang isinagawa noong taong 2017 na dinadaluhan ng mga laiko mula sa iba’t ibang diyosesis at lay organization na isinasagawa din sa iba pang diyosesis sa buong bansa.