33,860 total views
Nakiisa sa pagdiriwang ng Chinese Lunar New Year ang Cardinal Santos Medical Center (CSMC) bilang pagsalubong sa Year of the Dragon.
Binigyang diin ni CSMC Chief Medical Officer Dr. Antonio Say na ang pakikibahagi ng institusyon sa pagdiriwang ay pagpapatunay ng pagkilala at pagyakap sa mga kultural na tradisyon, at pagbabahagi ng mga karanasan upang makalikha ng isang komunidad na mangangalaga para sa kaginhawaan ng lahat.
Kaugnay din ito sa pagdiriwang ng CSMC sa ika-50 o ginintuang anibersaryo sa Agosto 15, 2024.
“As we navigate the year ahead, may it be filled with prosperity and success as we continue our unwavering dedication to patient care, futher elevate our standard, and unite in our pursuit of excellence as we approach our golden anniversary,” mensahe ni Dr. Say.
Isinagawa naman sa pagdiriwang ang tradisyunal na pagpapatunog ng mga tambol at ang lion and dragon dance na ayon sa kulturang Tsino ay sumisimbolo para sa masayang pagpasok ng Lunar New Year at pagtataboy sa masasamang espiritu.
Nakibahagi rin sa pagdiriwang sina CSMC President and CEO Raul Pagdanganan, Chief Operating Officer Dr. Zenaida Javier-Uy, at Assistant Chief Medical Officers Dr. Bernardita Navarro at Dr. Frederic Hope Tan, habang nagsilbi namang panauhin bilang kinatawan ng Filipino-Chinese community si social activist Teresita Ang See.
“In this year of the dragon, emblematic of health, strength, and good fortune, may each of us be bestowed with abundant blessings and prosperity. Let us embark in this auspicious journey with the heart gleaming of empathy, understanding and collective vision for a brighter tomorrow,” ayon kay Dr. Say.
Ang Cardinal Santos Medical Center (CSMC), na dating kilala bilang St. Paul’s Hospital of Manila, ay itinatag ng Maryknoll Sisters bago pa ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Lubha itong napinsala ng digmaan at isa si Manila Archbishop Rufino Jiao Cardinal Santos sa nagbigay ng tulong-pinansyal upang muli itong maitayo.
Agosto 15, 1974 ng magsimula ang operasyon ng ospital at itinatag bilang Cardinal Santos Memorial Hospital, na kalauna’y naging Cardinal Santos Medical Center bilang parangal sa kauna-unahang Pilipinong kardinal.
Ipinarating ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr sa Filipino-Chinese Community ang pagbati sa pagdiriwang ng Chinese New year.
Mensahe ng Kalihim na nawa sa paggunita ng Chinese New year ay magkaroon ng paggalang ang bawat isa tungo sa pagsunod sa mga international laws upang mapangalagaan ang soberanya ng bawat mamamayan.
“The Department of National Defense wishes the Chinoys a peaceful and prosperous New Year, let us welcome a year of growth, progress, and good fortune this Year of the Wood Dragon. May we seize this year of innovation and technology to create a nation of stability and prosperity under a regime of respect,” ayon sa mensahe ni Teodoro na ipinadala ng DND sa Radio Veritas.
Ayon pa sa mensahe ng Kalihim, nawa ay maging masagana ang bagong taon para sa komunidad kung saan magiging matagumpay ang mga pagsusulong ngayong 2024 ng higit na paggamit ng teknolohiya.
Sa bahagi ng simbahan, una ng naging mensahe ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Assistant Secretary-general Father Bryand Restituto sa Filipino-Chinese Community at mga mananampalataya na gamitin ang pagkakataon ng Chinese New Year upang mapaigting ang pananampalataya sa Panginoon.